549 total views
Mga Kapanalig, sa kanyang talumpati sa isang grupo ng mga estudyante ng Oxford University sa United Kingdom, sinabi ng boksingerong senador na si Manny Pacquiao na wala raw extra-judicial killings o EJK sa Pilipinas. Kung may mga namamatay daw bunsod ng war on drugs ng administrasyong Duterte, ipinaliwanag ng senador na nanlabán daw kasi ang mga biktima sa mga awtoridad.
Nilinaw naman ng artistang senador na si Senate President Tito Sotto na mayroon daw EJK sa bansa. Iyon nga lang, hindi daw state-sponsored ang mga ito. Ibig sabihin, hindi raw kagagawan ng estado o ng pamahalaan ang mga pagpatay. Wala raw utos ang pamahalaan na pagpapatayin ang mga drug suspects. Hindi rin daw dapat tawaging “extra-judicial” ang pagkakapatay sa kanila dahil wala raw tayong death penalty, ang pagpatay na may basbas ng estado.
Ito ang hirap kapag ang ating mga lider ay hindi lumalabas sa kanilang de-aircon na mga bahay sa loob ng mga bantay-saradong subdivision. Ito ang hirap kapag ang mga lider ay hindi man lang nakakaapak sa mga lugar na balót ng karahasan, sa mga pamayanang sanay na sa patayan. Kahit pa halos araw-araw na sa balita ang mga pagpatay dahil sa giyerang ito ng administrasyong Duterte, kaya nilang magbulag-bulagan sa dugong dumadanak sa mga lansangan at kabahayan; kaya nilang magbingi-bingihan sa hinagpis ng mga inang nawalan ng anak, ng mga asawang nawalan ng katuwang sa buhay, at ng mga batang nawalan ng magulang.
Sa tala ng pamahalaan, aabot na sa halos 5,000 na ang namatay sa mga operasyong ginawa ng mga pulis sa ilalim ng kampanya ng pamahalaan kontra droga. Noong Agosto lamang, mahibit 400 na drug personalities ang namatay o halos 14 na tao bawat araw. Lahat daw sila, mga nanlabán kaya’t walang nagawa ang mga pulis kundi patayin sila. Hindi kasama ang mga kasong ito sa mga tinatawag ng PNP na homicide cases under investigation, na ayon sa huling bilang ay umabot na ng mahigit 23,000 mula nang maupo si Pangulong Duterte noong Hulyo 2016 hanggang sa kalagitnaan ng kasalukuyang taon. Nakapaloob sa bilang na ito ang mga biktima ng mga vigilante na halos lahat ay may kinalaman sa droga at sinasabing mga pulis din naman ang nasa likod.
Anuman ang tawag natin sa mga kaso ng pagpatay na ito bunsod ng “war on drugs”, malaking kasalanan ang pumatay ng kapwa. Mali ang pagkaitan silang dumaan sa tamang proseso ng batas. Mali ang paggamit ng dahas sa ngalan ng mas ligtas na lipunan.
Ang nakalulungkot, mismong mga lider natin ang nagpapalaganap ng kultura ng pagpatay. Hindi ba’t hinikayat pa ng pangulo ang mga taong patayin nila ang mga kilala nilang adik? Hindi ba’t pinangakuan niya ang mga pulis na iaabswelto niya sila kung makapapatay sila ng mga pinagsususpetsahang drug traffickers at pushers?At hindi ba’t mismong si Pangulong Duterte na ang nagsabing ang tangi niyang kasalanan ay ang mga extra-judicial killings?
Kinikilala sa mga turo ng Simbahan ang lehitimong karapatan ng estado na magpataw ng parusa sa mga gumagawa ng paglabag sa batas nang naaayon sa bigat ng nagawang kasalanan. Ngunit taliwas rito ang walang habas na pagpatay, gawa man ng mga pulis o vigilante, lalo pa kung umuusbong ito sa hindi pagkilala ng mga pinuno natin sa dignidad at karapatan ng lahat ng tao. Walang saysay ang parusang nais lamang magpalaganap ng takot sa mamamayan at magdulot ng pagdurusa sa pamilya ng mga biktima, lalo na ng mga inosente.
Mga Kapanalig, ipagdasal natin hindi lamang ang mga lider nating walang paggalang sa dangal ng tao kundi pati ang mga lider nating nagbubulag-bulagan sa nagpapatuloy na patayan at nagbibingi-bingihan sa panawagan para sa tunay na katarungan.
Sumainyo ang katotohanan.