1,350 total views
Ipinagdarasal ni Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas 846 President Rev. Fr. Anton CT Pascual na ihahalal ng mga Filipino na mamumuno sa bansa ay tunay na may malasakit at pagmamahal sa mga mahihirap.
Ito ang inihayag ni Fr. Pascual matapos ang ginawang pagbisita sa mga mahihirap na komunidad sa Tondo Maynila kung saan patuloy na ipinatutupad ang mga programa ng Caritas Manila tulad ng feeding, scholarship at livelihood.
Ayon kay Fr. Pascual, kailangan maging prayoridad ng mga bagong pinuno ang mga mahihirap sa Pilipinas na bumubuo sa malaking prosyento ng populasyon.
Aminado ang Pari na bigo ang mga nagdaang administrasyon na mabigyan ng kongkretong programa ang maralita kaya’t marami pa din ang naghihikahos at nagtitiis sa kahirapan.
“Ang bansa natin ay bansang mahirap hindi tayo bansang mayaman kaya kung sino man ang kandidato at sa pagpili natin ng kandidato mahalaga sino ang tunay na tutulong sa mga suliranin ng kahirapan sa ating bansa sapagkat napakarami na ng nagdaang Presidente nakakalungkot [bagamat] nirerespeto natin sila pero walang impact o ginawang kongrekto para mabawasan ang kahirapan sa ating bansa” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito nagpapasalamat naman ang Pari sa mga patuloy na sumusuporta sa mga programa ng Simbahan para makatulong sa mga nasa laylayan ng lipunan.
“Sa mga kapanalig natin salamat po sa inyong mga panalangin at suporta in cash o in kind sa Caritas Manila, ang inyong NGO ng Simbahan na direktang tumutulong sa mga mahihirap na matulungan ang kanilang mga sarili at nawa sa pamamagitan ng ating pagtulong madama ng mahihirap ang pag-ibig at dakilang habag ng Panginoon.” Wika ni Fr. Pascual.
Batay sa datos, tinatayang nasa 23.7 percent ng populasyon ng Pilipinas ang mahihirap.
Mula sa 22.26 milyong maralita sa bansa tumaas ito sa 26.14 milyong bago pa man magsimula ang Covid19 pandemic.
Sa datos naman ng Commission on Election nasa 67.4 milyong Pilipino ang rehistradong bumoto ngayong May 9, 2022 Election.