26,164 total views
Homiliya para sa Pang-anim na Araw ng Simbang Gabi, Huwebes sa Ikatlong Linggo ng Adbiyento, 21 ng Disyembre 2023, Lk 1:39-45
Ewan ko kung saan ba nanggaling ang tradisyon na si San Lukas daw ay isa sa mga pinakaunang pintor ng mga imahen ng mga santo at santa. Ang alam ko ay ang tradisyon tungkol sa kanya bilang manggagamot. Pero bakit kaya malakas din ang tradisyon tungkol sa kanya bilang religious painter?
Bago ko sagutin ang tanong, kaunti munang trivia tungkol sa Kasaysayan ng Pananampalatayang Kristiyano. Sa Roman Catholic tradition na siyang mas kilala natin sa Pilipinas, ang alam nating mga imahen, kadalasan, ay mga rebulto o istatwa ng mga santo at santa. Sa Oriental Christian tradition—maging Orthodox man o Katoliko, hindi mga rebulto o istatwa ang mga imahen nila sa loob ng kanilang mga simbahan kundi mga “icons” na nakapinta sa flat na kahoy. Ang pinakasikat na icon natin sa Pilipinas at ang Mother of Perpetual Help sa Baclaran.
Kadalasan, mga eksena ang mga icons sa buhay ng mga disipulo at mga apostol lalo na sa mga ebanghelyo. May tawag sila sa ganitong porma ng religious art—iconography, na ang literal na kahulugan ay “writing an icon,” hindi “painting an icon.” Siguro dahil ang inspirasyon para sa kanila sa paggawa ng mga imahen ay nagsimula, hindi sa pintura at kahoy, kundi sa literatura. Isang magandang halimbawa ang ating Gospel reading ngayon tungkol sa eksena ng Visitation, ang pagdalaw ni Mama Mary kay Elisabet ayon kay San Lukas. (Kaya siguro siya tinatawag na oldest iconographer.)
Kung ipipinta sa wood panel ang kuwento ng Visitation ayon kay San Lukas, may limang karakter sa kuwento—ang tatlo ay aktibo, ang dalawa ay tahimik lang sa background. Ang tatlong aktibo ay sina Maria, Elisabet, at si Juan Bautista na sanggol pa lang sa sinapupunan ni Elisabet. Ang tahimik pero naririyan din ay ang Anak ng Diyos na nasa tiyan na ni Maria, at ang hindi binabanggit pero nariyan din sa eksena—si Zacarias, na hindi na nagsalita mula nang malaman na buntis ang misis niyang may edad na at inaakala niyang baog. Isama na rin natin ang mga kapitbahay nilang marites na marahil ay pasilip-silip na nagmamasid sa dramang nangyayari sa buhay ng mag-asawa.
May movement sa eksena: nagmamadaling naglalakbay si Maria, humahangos sa pintuan ang excited na Elisabet, at naglululundag naman ang sanggol na Juan Bautista sa tiyan ni Elisabet. Kung bibigyan ng title: ang itatawag ko dito ay pagtatagpo ng dalawang kaban ng tipan sa katauhan ng nagsasalubong na dalawang babaeng nagdadalangtao—isang matanda at isang kabataan. Si Elisabet na nagdadala kay Juan ay ang Kaban ng Matandang Tipan, at Si Mama Mary na nagdadala kay Hesus ay ang Kaban ng Bagong Tipan.
At dahil tungkol sa simbahang nagmimisyon ang mga pagninilay natin mula noong unang araw ng Simbang Gabi, ang Mahal na Birheng Maria na dumadalaw kay Elisabet ang gagawin nating “imahen ng simbahang nagmimisyon”.
Hindi lang siya nagdadalang-tao; siya’y nagdadalang-tipan. Siya na Ina ni Kristo ay Ina ng Diyos na totoo na sabay na Tao ring Totoo. Kaya tinatawag si Maria bilang “Kaban ng Bagong Tipan” dahil siya ang naging marapat na sisidlan ng bagong simbolo ng Tipan—hindi na ang dalawang tapyas ng bato na may nakatitik na sampung utos. Sa kanyang sinapupunan, ang pagkaDiyos ng Diyos at pagkatao ng tao ay naging iisang persona. At upang mabigyang kaganapan ang kanyang misyon, nagpapatuloy pa rin ang pagtitipan ng Diyos at tao sa pamamagitan natin, ang sambayanan ng kanyang mga alagad. Pinagkalooban niya tayo ng biyaya ng Espiritu Santo upang makiisa at makilahok sa kanyang buhay at gawain bilang bahagi ng kanyang katawan.
Ang pagpapalang hatid natin sa mundo ay walang iba kundi si Kristo mismo. Siya ang pagpapalang tinanggap ni Maria at dinala sa sinapupunan niya. Siya ang dumadalaw pero ang presensyang naramdaman ni Elisabet at ng sanggol na propeta sa tiyan niya ay si Kristo, ang Anak ng Diyos, ang pagpapalang hinihintay ng buong daigdig. Kaya si Elisabet na puspos ng Espiritu ay nagpahayag: “Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat at pinagpala naman ang iyong dinadalang Anak.”
Mga kapatid, huwag nating ipagkait sa mundong nananabik ang blessing na ito. Huwag nating itago sa kaban ang tipan; ibahagi natin ito sa mundong makasalanan ngunit lubos na minamahal at patuloy niyang tinutubos at pinag-aalayan ng buhay. Ito ang ibig sabihin ng magmisyon—ang maipakilala sa mundo ang kagandahang-loob ng Diyos.