3,836 total views
Ang Mabuting Balita, 12 Disyembre 2023 – Lucas 1: 39-47
NAGDUDA
Paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe
Sa mga araw na iyon, si Maria ay tumindig at nagmamadaling pumunta sa lupaing maburol sa lungsod ng Juda. Pumasok siya sa bahay ni Zacarias at bumati kay Elisabet. At nangyari, nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, ang sanggol sa kaniyang sinapupunan ay napalundag. At si Elisabet ay napuspos ng Banal na Espiritu. Sa isang malakas na tinig, siya ay sumigaw na sinasabi: Kapuri-puri ka sa mga kababaihan. Kapuri-puri ang bunga ng iyong sinapupunan. Papaano nangyari ito sa akin na ang ina ng aking Panginoon ay pumunta sa akin? Narito, sa pagdinig ko ng iyong tinig ng pagbati, ang sanggol sa aking sinapupunan ay napalundag sa kagalakan. Ikaw na sumampalataya ay lubos na pinagpala sapagkat magkakaroon ng kaganapan ang mga bagay na sinabi sa iyo ng Panginoon.
Sinabi ni Maria: Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon. Ang aking espiritu ay lubos na nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas.
————
Kabibigay pa lamang ni Maria ang kanyang “oo” na maging ina ng Tagapagligtas, Anak ng Diyos at nalaman sa anghel na ang pinsan niyang si Elisabet ay nasa ika-anim na buwan ng pagdadalantao. Nagmadali siyang pumunta kay Elisabet sapagkat di tulad ni Zacarias, asawa ni Elisabet noong sinabihan ng anghel na magkakaroon siya ng anak na lalake ay NAGDUDA sapagkat silang pareho ni Elisabet ay matanda na at si Elisabet ay baog. Tulad ng lagi nating naririnig, sa Diyos lahat ay posible. Kung tunay tayong naniniwala dito, hindi tayo magrereklamo na hindi sinasagot ng Diyos ang ating mga panalangin. Sapagkat lahat ay posible sa Diyos, kailangan nating maintindihan na kapag ang ating mga panalangin ay hindi nasasagot ayon sa ating kagustuhan, ito ay dahil hindi ito magiging mabuti para sa atin, o mayroong mas mabuti na nakalaan sa atin.
Maria, aming Ina, turuan mo kaming tularan ka sa iyong buong tiwala sa Diyos!