71,305 total views
Mga Kapanalig, hindi pa naipaliliwanag ng Department of Education (o DepEd) ang 125 bilyong pisong confidential funds nito na nagastos sa loob ng labing-isang araw noong 2023, heto na naman at may bagong kontrobersyang minumulto ang sektor ng edukasyon.
Speaking of “multo”, may kinalaman ang panibagong isyu sa mga tinatawag na “ghost students”.
Bago mag-Semana Santa, ibinulgar ni Senador Sherwin Gatchalian ghost students ang mahigit 19,000 na senior high school students na nasa ilalim ng voucher program ng DepEd. Lumabas ito sa ginawang pagdinig ng Senate Committee on Basic Education kung saan tinalakay ang malaking halagang sinisingil ng mga pribadong paaralan mula sa voucher program ng gobyerno. Aabot kasi sa 239 milyong piso ang kailangang i-refund ng pamahalaan sa mga paaralang kasali sa programa.
Nanghihinayang si Senador Gatchalian—at dapat tayo rin—sa subsidy program na itinatag para sa mga senior high learners na kapos sa buhay. Ganitong karami—19,000 na estudyante—ang hindi matukoy o mahanap. Ayaw silang tawagin ng Private Education Assistance Committee (o PEAC) na ghost students. ”Undocumented voucher program beneficiaries” daw ang tamang termino.
Ilang araw pagkatapos ng pagdinig, natuklasan din ng komite ni Senador Gatchalian na lampas kalahati (o 53%) ng alokasyon para sa senior high school voucher program ay napakinabangan ng mga estudyanteng hindi naman mula sa mahihirap na pamilya. Sa 13.7 bilyon pisong inilaan para sa programa noong school year 2021-2022, 7.2 bilyong piso ang napunta sa mga senior high school students na “nonpoor” o hindi naman maituturing na nangangailangan ng subsidiya. “Wastage and leakage” daw ito, giit ng senador. Sayang nga kung totoong napunta sa mga hindi nangangailangan ang pera ng programang layong tulungan ang mga mahihirap na estudyanteng nais magtapos ng high school. Ang voucher ay nagkakahalaga ng mula ₱14,000 hanggang ₱22,500.
Nakatulong din sana ang voucher program upang mabawasan ang pagsisiksikan sa mga pampublikong high school. Gamit ang vouchers, maaaring mag-enroll ang mga nangangailangang estudyante sa mga pribadong paaralang kalahok sa programa. Pero, ayon pa rin sa datos mismo ng gobyerno, mahigit kalahating milyong senior high school students ang walang regular classrooms. Kung naging maayos lamang ang pagpapatupad ng gobyerno ng voucher program, nasolusyunan sana ang congestion sa ating mga paaralan.
Maliban sa kabiguang maabot ang mga dapat maabot ng senior high school voucher program, napakalaking pera ng taumbayan ang napunta sa mga mali o kaya naman ay mga hindi matukoy na mga benepisyaryo. Paanong nakalusot ang mga ito? May paliwanag ba ang DepEd? O hahayaan na lang itong malimutan ng publiko, katulad ng misteryosong confidential funds na naglahong parang bula sa loob ng kulang-kulang dalawang linggo?
Obligasyon ng lahat na mag-ambag sa tinatawag nating common good o kabutihang panlahat, isang mahalagang prinsipyo ng mga panlipunang turo ng Simbahan. Pero may natatanging papel ang gobyerno sa pagtitiyak na nariyan ang mga kondisyong nagbibigay sa atin ng pagkakataong maging mga produktibong bahagi ng lipunan. Kasama rito ang pagtulong sa mga nangangailangan at mahihirap. Ito ang diwa ng senior high school voucher program—ang tulungan ang mga walang kakayanan sa buhay na makapagtapos sa pag-aaral nang sa gayon ay makapagtatrabaho sila, mapaunlad ang kanilang sarili, makatulong sa kanilang pamilya, at makapag-ambag sa ating ekonomiya. “Higit na mainam sa ginto ang magkaroon ng karunungan,” sabi nga sa Mga Kawikaan 16:16, gaya ganoon na lamang ang pagpapahalaga natin dapat sa edukasyon.
Mga Kapanalig, huwag sanang masira ang senior high school voucher program ng mga mapagsamantala. Huwag sana itong magamit sa maling paraan. Huwag sana itong maging instrumento ng katiwalian. Kung mangyari ang mga ito, hindi lamang ninanakawan ang kaban ng bayan; ninanakawan din ng kinabukasan ang kabataang Pilipino.
Sumainyo ang katotohanan.