3,743 total views
Binigyang-diin ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (CBCP-ECPPC) ang mahalagang tungkulin ng mga naglilingkod sa mga nasa bilangguan o persons deprived of liberty (PDLs) tungo sa pagkamit ng pag-asa at panibagong buhay.
Ito ang pagninilay ni Legazpi Bishop Joel Baylon, vice chairman ng CBCP-ECPPC, para sa pagbubukas ng ika-37 Prison Awareness Week sa CBCP Chapel sa Intramuros, Maynila nitong October 21.
Ayon sa obispo, ang paglilingkod sa mga bilanggo ay isang pagsubok dahil sa kaakibat na diskriminasyon sa mga itinuturing na pinakahuli, pinakaligaw, at pinakawalang halaga sa lipunan.
Gayunman, sinabi ni Bishop Baylon na ang pagsisikap ng mga Volunteers in Prison Service (VIPS) ay naghahatid ng pag-asa para sa mga naligaw ng landas at nagnanais muling magbago mula sa nagawang pagkakamali.
“It is only by the grace of God that we also begin to understand or appreciate even more the little successes that we have. The courage that we are able to have in our hearts to believe na itong ginagawa natin may patutunguhan. Itong paglilingkod natin sa mga nasa bilangguan ay mahalaga kasi binibigyan natin sila ng pag-asa,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Baylon.
Iginiit naman ng obispo na hindi lamang ang mga PDL ang kailangang matuto ng pagbabago, kundi maging ang mga nasa labas ng bilangguan ay dapat mamulat na ang mga bilanggo, bagamat nakagawa ng pagkakamali, ay may kakayahang magbago.
Sinabi ni Bishop Baylon na ang pagbabalik-loob at pagbabagong-buhay ng mga PDL ay isang kahanga-hangang bagay na nararapat tanggapin at ipagdiwang ng buong pamayanan.
Inihayag naman ng obispo na ang simbahan ay isang pamilyang tumatanggap at umaakay sa lahat, walang iniiwanan, at bawat isa, kabilang ang mga PDL, ay may lugar sa loob ng simbahan at ng lipunan.
“Only with the grace of God can this be achieved. But the Holy Father calls us to journey together. No one is left behind.
Everybody is welcome. And yes indeed, may our brothers and sisters who are now languishing in jail, the PDLs may truly look forward with hope that when they come out, society, the church, people, will make them feel welcome again,” ayon kay Bishop Baylon.
Tema ng ika-37 Linggo ng Kamulatan sa mga Bilanggo “Ang Simbahan katuwang ang VIPS: Kaagapay sa Pagbabagong Punong-puno ng Pag-asa” o The Church thru the VIPS: Partners of the PDLs in their Journey Towards Wholeness with Full of Hope.