770 total views
April 6, 2020, 12:03PM
Hindi kailanman katanggap-tanggap ang pagpapalaganap ng fake news lalo na sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa at ng buong daigdig mula sa pandemic na Coronavirus Disease 2019.
Ayon kay CBCP – Episcopal Commission on Social Communication Chairman Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr., hindi nakatutulong para sa kasalukuyang sitwasyon ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon tungkol sa nakahahawa at nakamamatay na sakit na maaring magdulot ng lubos na pangamba at takot sa mga mamamayan.
Nanawagan ang Obispo sa lahat na ibahagi ang tunay na payo ng mga eksperto na pagpapalakas ng resistensya at pangangatawan gayundin ang spiritual nourishment na magbibigay ng pag-asa sa mamamayan.
“Hindi ko maintindihan talaga who ever creates this fake news kung anong gusto talaga nilang ma-achieve dito sa paranoia na nalilikha nila, I really don’t understand them very well but sometimes we have to accept the fact that maraming nagagawa niyan so again do not live in fear. Napakarami din namang lumalabas na na sabihin na natin pages or even impose on how to prevent getting contaminated of this virus and then how to fight the virus by strengthening our body and our immune system. So hindi dapat talaga katakutan siya in the sense na maging paranoid ka dapat cautionary lang ang maidudulot nito.” pahayag ni Bishop Maralit sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang pinaigting ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group ang isinasagawang “cyber patrolling” sa iba’t ibang social media sites upang labanan ang pagkalat ng fake news kaugnay sa COVID-19 pandemic.
Maaring maparusahan ng anim na buwan hanggang sampung taong pagkakakulong ang sinumang mapapatunayang nagpapakalat ng fake news online na maaring magdulot ng takot at matinding pangamba sa publiko.
Batay sa datos ng Digital 2018 report ng London, United Kingdom-based consultancy na We Are Social, nangunguna pa rin ang Pilipinas sa social media usage sa buong mundo kung saan umaabot sa 9 na oras at 29 na minuto kada araw ang ginugugol ng nasa 67-milyong internet users sa bansa.