192 total views
Kinanlong ng mga Simbahan at Kombento sa Prelatura ng Infanta ang mga nagsilikas na residente dahil sa epekto ng bagyong Ompong. Ayon kay Rev. Fr. Israel Gabriel, Social Action Director ng Prelatura ng Infanta, halos limang libong mga residente ng Aurora ang nagsilikas ng manalasa ang bagyo upang matiyak na ligtas sa banta ng storm surge.
“Almost all ng mga Parokya at Kombento ng mga pari ang binuksan para sa mga iba’t ibang evacuues.” bahagi ng pahayag ni Fr. Gabriel sa Radio Veritas.
Nagpasalamat naman ang pari sa mamamayan na nagkaisang manalangin para sa kaligtasan ng mga residenteng apektado ng bagyong Ompong sa Hilagang Luzon.
Ibinahagi rin ng pari na bagamat maraming pananim sa lalawigan ng Aurora ang nasira makaraang hagupitin ng malakas na hanging dala ng bagyo ay ligtas ang mga residente at wala gaanong na pinsala.
Saad pa ni Fr. Gabriel bagamat humina na ang hangin at ulan sa malaking bahagi ng Aurora partikular sa Casiguran ay nanatili pa rin ang ibang residente sa mga evacuation centers habang ang iba ay bumalik na sa kanilang mga tahanan matapos matiyak na ligtas na sa banta ng sakuna.
Bukod dito ay nagpasalamat din ang Pari sa Caritas Manila at sa Himpilan ng Radio Veritas sa tulong na naibahagi sa mga lumikas na residente at sa pagbibigay daan upang makapanawagan sa mamamayan.
Aniya, sa mga nais pang magbigay ng tulong sa mga nagsilikas ay maaring makipag-ugnayan sa tanggapan ng Social Action Center ng Prelatura sa St. Therese of the Child Jesus parish sa Dipaculao Aurora o tumawag sa telepono bilang 09984975028.
Sa tala ng PAGASA higit na nanalasa ang bagyong Ompong sa Hilagang Luzon ngunit nagdulot ng pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa dahil sa pinalakas ng Habagat.
Una nang nagpaabot ng tulong pinansyal ang Simbahang Katolika sa limang Diyosesis ang Ilagan, Tabuk, Tuguegarrao, Batanes at Laoag sa pangunguna ng Caritas Manila – ang action ng Archdiocese ng Manila.