2,357 total views
Ligtas at nakauwi na sa kani-kanilang mga tahanan ang mga nagsilikas na residente mula sa anim na bayan sa lalawigan ng Lanao del Norte.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Iligan Diocesan Disaster Risk Reduction and Management Director Fr. Jonald Apa-on, nagsagawa ng pagpupulong ang mga kura paroko ng mga apektadong parokya kasama si Bishop Joey Rapadas III upang pag-usapan ang gagawing pagtugon at pagtulong sa mga apektadong pamilya.
“So far po, ‘yung mga pamilya na nasa evacuation centers po ay nakauwi na. At nagkaroon din po kami ng meeting kasama ang mga kura paroko doon sa Lanao del Norte na affected ng pagbaha ang anim na parokya,” ayon kay Fr. Apa-on.
Patuloy naman ang Diyosesis ng Iligan sa pamamahagi ng mga paunang tulong para sa mga lubos na naapektuhan ng sama ng panahon.
Panawagan naman ng diyosesis ang pananalangin para sa kaligtasan ng mga lubos na apektadong residente, gayundin na muling makamtan ang pag-asa sa kabila ng kinakaharap na pagsubok.
Batay sa tala ng Lanao del Norte Provincial Risk Reduction and Management Council, umabot sa 3,119 pamilya o 12,264 indibidwal ang lubhang naapektuhan ng pagbaha dulot ng malakas na pag-uulang sanhi ng low pressure area.
Nauna nang naitala sa lalawigan ang tatlong nasawi, habang tatlo rin ang bilang ng mga naiulat na nasaktan.