217 total views
Ibinahagi ng Obispo ng Diocese of San Carlos, Negros Occidental ang naging pagbabago sa paraan ng pagdiriwang ng lungsod sa Escalante massacre na naganap 34 na taon na ang nakakalipas sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Ayon kay Diocese of San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, sa unang pagkakataon sa loob ng 34 na taon ay nabago ang paraan ng paggunita sa malagim na insidente sa lalawigan.
Ang pagdiriwang ay pinangasiwaan ng lokal na pamahalaan at militar sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Negros Peace Summit mula sa nakasanayang pagsasadula sa malagim na insidente.
Pagbabahagi ng Obispo, bukod sa pagbabahagi ng mga tagapagsalita sa kahalagahan ng kapayapaan at kung papaano ito makakamit ay nagkaroon rin ng pagsuko ng ilang mga armadong indibidwal na lumagda ng isang kasunduan.
“Ang nangyari ang LGU na dati nagko-co-sponsor din yan ng commemoration together with the church sector saka yung mga family ng victims ng massacre wherein they will have mass and then re-enactment at yung mga other activities so parang find ways na it should not happen again parang ganun, ngayon in its place nag-organize ang LGUs together with security forces to conduct a North Negros Peace Summit and then nagkaroon ng mga surrenderees supposed to be, nag-signing sila so parang nag-iba yung focus…” pahayag ni Bishop Alminaza sa panayam sa Radyo Veritas.
Bagamat maganda at suportado ng Simbahan ang layunin upang maisulong ang kapayapaan, pinuna ni Bishop Alminaza ang sapilitang pagsuko dahil sa takot para sa kanilang buhay at pamilya.
“For the first time nag-iba ang celebration ng Escalante Massacre, naging Negros Peace Summit na which was taken over by the military and the ano (local government) not that we have something against that in a way na maganda naman yun merong mga nagso-surrender daw pero they not really sure kasi yung iba they say na napo-force lang sila mag-sign-up kasi they have no other alternative kasi mari-red tag sila…” Dagdag pa ni Bishop Gerardo Alminaza.
Ang Escalante Massacre ay naganap noong Setyembre 20, 1985 kung saan pinagbabaril ng mga armadong guwardiya ang mga demonstrador sa bayan ng Escalante, Negros Occidental na isa sa mga pinakamadugong insidenteng naitala sa ilalim ng diktaturya ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Sa tala, 20 ang namatay at higit 20 naman ang nasugatan sa insidente.
Sa loob ng nakalipas na 33 taon ay ginugunita sa lalawigan ang naturang insidente sa pamamagitan ng pagsasadula sa malagim na pangyayari mula sa pagbomba ng tubig mula sa fire truck at paghahagis ng kunwari’y tear gas sa mga kalahok sa pagsasadula.
Giit ni Bishop Alminaza, napapanahon na upang magkaroon ng ganap na kapayapaan sa lalawigan at hindi na dapat hayaan na magpatuloy ang ganitong uri ng karahasan.