50,542 total views
Binigyang pagkilala ni Arnold Janssen Kalinga Foundation Program Paghilom field coordinator Randy Delos Santos ang mga ina, asawa, at anak ng mga biktima ng marahas na War on Drugs noong nakalipas na administrasyong Duterte.
Kasabay ng paggunita sa Buwan ng mga Kababaihan ngayong Marso ay binigyan pagkilala ni Delos Santos ang mga kababaihan na patuloy sa paghahanap ng katarungan sa sinapit na karahasan ng mga mahal sa buhay.
Ayon kay Delos Santos na siya ring tiyuhin ni Kian Loyd Delos Santos na biktima ng pagpaslang sa ilalim ng War on Drugs noong 2017, mahalaga ang patuloy na pagtindig at paninindigan ng mga kaanak ng mga biktima ng karahasan upang makamit ang katarungan at mapanagot ang mga nasa likod ng malawakang pagpaslang sa mga hinihinalang sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot sa bansa.
“Unang una nais ko silang bigyan ng komendasyon, yung mga nanay na mga naiwan ng mga naging biktima nitong EJK o yung nakaraang administrasyon na giyera kontra droga. Maraming salamat sa kanilang pagtindig at patuloy na pag-asam ng katarungan, nawa sa araw o buwan na ito ng pagkilala sa kanila ay magkaroon sana ng katarungan para sa kanila, para sa aming mga biktima partikular na dahil lahat naman kami ay naging biktima dito. Sana ay loobin ng Diyos na mangyari na sa hinaharap ang [pagkakaroon ng katarungan sa mga biktima].” Bahagi ng pahayag ni Delos Santos.
Ibinahagi naman ni Delos Santos ang pag-asang pinanghahawakan ng kapamilya ng mga biktima ng War on Drugs dahil sa patuloy na paninindigan ng International Criminal Court (ICC) na imbestigahan ang marahas na implementasyon ng laban kontra illegal na droga ng nakalipas na administrasyong Duterte.
Tiwala si Delos Santos na hindi panghinaan ng loob ang mga kapamilya na naulila ng karahasan na isulong ang pagpapanagot sa lahat ng mga nasa likod ng marahas na War on Drugs sa bansa.
“Natutuwa kami dahil ang ICC ay nagbigay ng kanilang pansin pa din upang tingnan ang bagay na ito dito sa atin sa Pilipinas, sana ay huwag silang panghinaan ng loob, patuloy na kumapit sa ating Panginoon at alam natin na darating ang panahon na maglalaan ang Diyos ng kanyang espiritu upang patuloy silang gabayan at yun nga yung pag-asa sa katarungan na sana ay makamit na ng mga pamilyang ito at salamat sa kanilang pagtindig, patuloy na pagtayo at pagpapakita ng mabuting halimbawa.” Dagdag pa ni Delos Santos.
Taong 2016 ng sinimulan ni Rev. Fr. Flavie Villanueva ang “Paghilom Program” ng Arnold Janssen Kalinga Foundation upang makatulong at makapagpaabot ng suporta sa lahat ng mga naiwang mahal sa buhay at kapamilya ng mga nasawi sa War on Drugs ng administrasyong Duterte.
Tema ng Women’s Month Celebration ang “WE for gender equality and inclusive society,” na paksang inilunsad para sa buwan ng mga kababaihan noong 2023 na may partikular na tema ngayong taong 2024 na “Lipunang Patas sa Bagong Pilipinas: Kakayahan ng Kababaihan, Patutunayan!” na naglalayong higit na maisulong ang patas na pagtingin at pagtanggap sa mga kababaihan at kanilang mga pambihirang kakayahan sa lipunan na kadalasang naisasantabi at naipagsasawalang bahala dahil sa kanilang kasarian.