841 total views
Mga Kapanalig, naitala ng Philippine Statistics Authority (o PSA) na bumaba nitong 2022 ang mga kaso ng maagang pagbubuntis ng mga edad 15 hanggang 19 kumpara noong 2017.1 Ngunit nakababahala ang datos din ng PSA kung saan dumarami ang bilang ng mga menor de edad na nabubuntis ng mga mas nakatatandang lalaki.
Sa datos ng ahensya, karamihan sa mga lalaking may pananagutan sa maaagang pagbubuntis ng mga kabataang babae ay mas matanda sa kanila ng tatlo hangang limang taon. Nakaaalarma ring anim hanggang pitong porsyento ng teenage pregnancies ay dahil sa pakikipagtalik sa mga batang babae ng mga lalaking mas matanda sa kanila ng higit sa sampung taon. Bagamat bumaba ang mga kaso ng teenage pregnancy sa nakalipas na limang taon, marami sa mga ito ay maituturing na statutory rape, isang krimen kung saan nagkakaroon ng sekswal na relasyon ang isang nakatatanda sa isang batang babae.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11648 o Act of Raising the Age of Sexual Consent, binibigyan ng mas mataas na proteksyon ang mga batang wala pang labing-anim na taóng gulang. Kinikilala rin ng batas na hindi pa ganap ang kapasidad ng mga batang 16 taóng gulang pababa na gumawa ng tamang desisyon tungkol sa pagkakaroon ng sekswal na relasyon, lalo na sa isang nakatatanda. Ngunit hindi sapat ang pagpasá ng naturang batas sa pagpapalakas ng adbokasiya para sa proteksyon ng mga bata mula sa lahat ng uri ng karahasan. Dapat itong maipatutupad nang husto at mahigpit ng gobyerno. Magsisimula ito sa pagtiyak na nauunawaan ang batas ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan at ng iba pang kinauukulan at na ginagampanan nila ang kanilang tungkulin at responsibilidad sa pagpapatupad nito.
Ayon sa Plan International, isang NGO na nagsusulong ng mga karapatang pambata at ng pagkakapantay-pantay ng mga batang lalaki at babae, laganap ang maagang pagbubuntis sa mga mahihirap na bansa at komunidad kung saan maraming naisasantabi. Madalas ding napipilitang huminto sa pag-aaral ang mga babaeng nabubuntis na nagiging dahilan ng limitadong oportunidad na makahanap ng trabaho na lalo namang maglulubog sa kanila sa kahirapan.
Hindi dapat maging kampante ang mga magulang, ang gobyerno, pati na ang Simbahan sa isyung ito. Katulad nga ng binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan, mahalaga ang pakikilahok sa mga usapin at gawaing tumututol sa paglabag sa dignidad ng mga bata dulot ng sekswal na pananamantala sa kanila at iba pang uri ng karahasan. Dapat mas paigtingin ng buong komunidad ang pagbibigay ng angkop at komprehensibong impormasyon tungkol sa sekswalidad ng mga kabataan. Mahalagang naisasalin ang mga naipasáng batas sa mga aktwal na programa at proyektong magbibigay ng proteksyon sa mga bata, lalo na sa mga kabataang babae, upang tunay na maging epektibo ang mga ito. Higit sa lahat, kailangan din pagtuunan ng pansin ang pagbibigay ng edukasyon at iba pang interbensyon sa mga lalaking nasa hustong gulang. Dapat paigtingin ang istriktong parusang kailangan ipataw sa kanila sa mga pagkakataong nakikipagrelasyon sila sa mga batang wala pa sa hustong edad.
Mga Kapanalig, maraming batang inosente at walang sapat na kakayahang magpasya o ipagtanggol ang kanilang sarili ang humihingi ng tulong. Mahalagang napagtutuunan sila ng atensyon upang mapangalagaan ang kanilang dignidad at mga karapatan. Kailangan nila ng tulong upang hindi sila mailagay sa panganib at nang hindi mapagsamantalahan ang kanilang kamusmusan. Kailangan nila ng kalinga at proteksyon nang maitaguyod ang kanilang pag-unlad at kagalingan. Gaya ng paalala sa Mga Awit 127:3, “ang mga anak ay pagpapala at gantimpalang mula sa Panginoon.” Pahalagahan at proteksyunan natin ang mga bata, sapagkat biyaya sila ng Diyos sa atin.
Sumainyo ang katotohanan.