158 total views
Ayon kay Father Israel Gabriel ng Prelatura ng Infanta, nakahanda na ang hanay ng Simbahan sa lalawigan ng Aurora lalo’t inaasahang dito maglandfall ang bagyong Karen bukas ng madaling araw.
Sinabi ni Father Gabriel na inabisuhan na nila ang mga pari sa mga coastal areas na ihanda ang kanilang mga kababayan at umagapay sa pangangailangan sakaling magkaroon ng paglikas at pinsala sa mga kabahayan.
Tiniyak ni Fr. Gabriel na bukas ang kanilang mga Parokya para sa mga nangangailangan ng masisilungan.
Ganito rin ang pagtitiyak ni Fr. Enrique Tiongson ng Diocese of Bayombong kaugnay sa banta ng bagyo sa lalawigan ng Quirino.
Pahayag ni Fr. Tiongson nakahanda na ang mga volunteers ng Simbahan sa agarang pangangailangan ng mga residente.
“wala pa malakas na ulan at hangin dito sa viscaya at quirino pero naka stand by na ang mga volunteers sa mga parishes.” pahayag ni Fr. Tiongson.
Sa Diocese naman ng Urdaneta sa Pangasinan ay patuloy na ang pagdarasal ng mga mamamayan na hindi na magdulot ng labis na pinsala ang nasbaing bagyo.
Ayon sa Social Action Director ng Diocese of Urdaneta na si Fr. Abet Viernes, nagsisimula na ang mga pag-ulan sa kanilang lugar bagamat wala pang pagbugso ng malakas na hangin at umaasa sila na hindi na ito lalala pa sa mga susunod na oras.
Nakikipag-ugnayan naman ang Archdiocese of San Fernando sa lalawigan ng Pampanga sa lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga kababayan.
Ayon kay Fr. Kenneth Alde, Social Action director ng San Fernando, patuloy ang kanilang pagbabantay at humihiling sila ng pagdarasal para sa lahat.
“we’re in coordination with government agencies in data gathering and preparation. We are monitoring down to the parishes.” mensahe ni Fr. Alde sa radio veritas.
Sa huling ulat ng PAGASA, namataan ang bagyong Karen 205 Km silangan ng Infanta Quezon taglay ang lakas ng hangin na aabot sa 130 kph malapit sa gitna at pagbugso na aabot sa 180 kph.