2,544 total views
Ipinag utos ng Archdiocese of Manila ang pagpapanumbalik sa nakagawiang gawain ng Ash Wednesday sa February 22.
Sa inilabas na sirkular ng Archdiocesan Liturgical Commission itinakda nito ang muling paglalagay ng abo sa noo ng mananampalataya habang nakapaloob sa pagdiriwang ng Banal na Misa.
Babala ng komisyon sa mananampalataya ang paglalagay ng abo sa sarili sapagkat hindi ito naaayon sa liturhikal na pamamaraan alinsunod sa turo ni Kristo na sa pamamagitan ng sakramento na ibinibigay ng simbahan ay matatanggap ng sangkatauhan ang kapatawaran sa kasalanan.
Hinimok ng komisyon ang Etxraordinary Ministers of the Holy Communion na bisitahin ang mga may karamdaman at matatanda upang pahiran ng abo.
Bukod dito inaanyayahan din ng arkidiyosesis ang bawat isa na magtika, manalangin at magbahagi sa nangangailangan sa pamamagitan ng iba’t ibang programa ng simbahan tulad ng Fast to Feed ng Hapag-Asa na nagpapakain sa malnourished na kabataan sa lipunan.
Matatandaang ipinagpaliban ang paglalagay ng abo sa noo noong mga nakalipas na taon dahil sa pandemya at pagsunod sa safety protocol na ipinatupad ng pamahalaan.
Ang Miyerkules de Ceniza ang hudyat ng pagsisimula sa 40 araw na paghahanda sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus na tumubos sa sanlibutan.