535 total views
Biyaya ng Diyos sa bawat pamilya ang mga nakatatanda.
Ito ang ibinahaging katekesis ni Lipa Archbishop Gilbert Garcera kaugnay sa kauna-unahang selebrasyon ng World Day for Grandparents and the Elderly sa Hulyo 25, kasabay ng Kapistahan nina San Joaquin at Sta. Ana – mga magulang ng Birheng Maria, lolo at lola ni Hesus.
Ayon kay Archbishop Garcera, na siya ring kasalukuyang chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Family and Life, sina San Joaquin at Sta. Ana ay naging huwarang magulang kay Maria na ibinahagi ang kagandahang-asal at kabanalan hanggang sa maipanganak ang kanilang apong si Hesus.
Paliwanag ng Arsobispo na ang mga nakatatanda ang simbolo ng kasaysayan na nagpapatunay ng ating presensya sa mundong ibabaw.
Gayundin, sila ang instrumento ng Panginoon upang patuloy na maisalin sa mga susunod na henerasyon ang kagandahang-asal sa kapwa at pagkakaroon ng matatag na pananalig at pananampalataya.
“Tulad ni San Joaquin at Sta. Ana – lolo at lola ni Jesus – kung wala si lolo at si lola, nasaan tayo ngayon? Sila ay tanda ng kasaysayan na siyang nagsasalin ng pananampalataya sa atin. They transmit the faith sa ngayon. Kung ano ang kasaysayan na dumaan, hanggang ngayon, ipinagpapatuloy natin sa pamamagitan ng kwento nila,” bahagi ng katekesis ni Archbishop Garcera.
Hinihiling naman ni Archbishop Garcera na nawa’y ang bawat pamilya ay patuloy na pahalagahan ang mga nakatatanda sapagkat malaki at makabuluhan ang kontribusyon ng mga ito, hindi lamang sa lipunan, kundi maging sa pagpapalaganap ng pananampalatayang Kristiyano.
Idineklara ni Pope Francis ang kauna-unahang World Day for Grandparents and the Elderly, ngayong taon na may temang “I am with you always” na naglalayong bigyang-pansin ang pagiging malapit ng Simbahan at ng Panginoon sa bawat isa partikular na sa mga nakatatanda lalo na ngayong panahon ng pandemya.