175 total views
Muling kinondena ng Catholic Bishops Conference of the Philippines(CBCP) ang mga fraternities na patuloy na nagsasagawa ng hazing.
Ayon kay CBCP Episcopal Commission on Mission Chairman at Sorsogon Bishop Arturo Bastes, hindi makatao ang hazing initiation para sa mga nagnanais sumali sa isang kapatiran.
Sinabi ng Obispo na ang sinumang estudyante na magsasagawa nito ay nararapat na mapatalsik sa paaralang kanyang pinapasukan.
“It is a shame that hazing is still being done by fraternity of students in a Catholic University. It is absolutely senseless, cruel and inhuman and unchristian! Students who engage in this nonsensical practice must be expelled from school,” pagbibigay-diin ni Bishop Bastes.
Ikinalungkot naman ni Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang pagkamatay ng law student at miyembro ng Aegis Juris Fraternity na si Horacio Tomas Castillo III na sinasabing biktima ng labis na pagpapahirap.
Kaugnay nito ay nanawagan ang Obispo na tuldukan na ang kultura ng hazing sa bansa na tanging karahasan at kamatayan lamang ang naidudulot at umaasa na matatamo ng pamilya Castillo ang karampatang hustisya.
“It is sad and shameful that a life was wasted just because hazing. Anything and anyone that promotes violence to one another and inflicts physical harms should be avoided, condemned and prosecuted. Hazing is just pain and agony which leads to disability or death. Justice must be served,” giit ni Bishop Santos.
Sumuko na sa awtoridad si John Paul Solana, ang pangunahing suspek sa pagkamatay ni Castillo. Sa kabila ng pagsasabatas ng Anti-Hazing Law noong 1995, sa tala ay umabot na sa 35 ang bilang mga nasawi dahil sa hazing.
Sa halip na dahas, una nang nanawagan si CBCP Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education Chairman at San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari na pairalin sa bawat fraternities ang pagmamahal bilang magkakapatid tulad ng ipinaramdam ni Hesus sa kanyang mga desipulo.