25,968 total views
Pinuri at pinasalamatan ni Antipolo Bishop Ruperto Santos ang libu-libong mananampalatayang nakiisa sa Alay Lakad patungong International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral noong Huwebes Santo, March 28.
Ikinatuwa ng obispo ang pagiging masigasig ng mga perigrino na nag-alay ng mga barya sa dambana kung saan bukod sa Alay Lakad ang pagiging Bukas Palad para sa pangangailangan ng kapwa.
“As those coins touch the sanctuary of our Cathedral, they resonates the sounds of your cares and concerns. Your prayers and petitions rise merlodiously to Heaven,” ayon kay Bishop Santos.
Tiniyak ni Bishop Santos na ang nalikom na pondo mula sa baryang inialay ng mga perigrino sa dambana ng international shrine ay gagamitin para sa proyekto ng diyosesis na pagpapatayo ng Chapel of Our Lady of Antipolo sa Tanay Rizal na magiging sentro ng pagpapalalim sa pananampalataya at sakramento ng simbahan lalo na ang pag-iisang dibdib.
“With your coins, we will build you a Chapel of Our Lady in our property in barangay Sampaloc, Tanay. A chapel for your family, for renewal of your marital vows, a place where people can congregate and flourish. A wedding destination of the Diocese of Antipolo in honor of patroness Nuestra Senora de la Paz y Buen Viaje,” ani Bishop Santos.
Nagsimula na ang pagtatayo sa kapilya kaya’t malaking tulong ang mga baryang inialay ng mga nakiisa sa Alay Kapwa na ayon sa pamunuan ng Antipolo Cathedral ay kadalasang nakakalikom ito ng mahigit sa 100-libong piso.
Patuloy na pinasalamatan ni Bishop Santos ang mga deboto at mananampalatayang dumadalaw sa international shrine at nagpahayag ng pagsuporta sa mga proyekto at programa ng simbahan para sa kapakinabangan ng mamamayan lalo’t higit ang nangangailangan sa lipunan.
Tanyag ang Antipolo Cathedral bilang pilgrim site lalo na ngayong kinilala ito ng simbahan bilang kauna-unahang international shrine ng Pilipinas at Southeast Asia gayundin ang paggawad ni Pope Francis ng Golden Rose na kauna-unahan para sa isang Marian Shrine.
Pinaghahandaan ngayon ng Diocese of Antipolo at international shrine ang nalalapit na pagsisimla ng pilgrimage season sa Mayo na magtatagal hanggang Hulyo.