32,588 total views
Pinasalamatan ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang lahat ng sektor na nakiisa sa ikalawang environmental forum na ginanap sa Holy Name University sa Tagbilaran City.
Ikinatuwa ng obispo ang pakiklahok ng mga sektor ng pamayanan lalo na ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng lalawigan lalo’t tema ng pagtitipon ang ‘Bridging the Gap between Environmental Policy and Sustainable Practice’ kung saan malaking gampanin ng mga namumuno ng bayan para isulong ang mga batas na mangangalaga sa kalikasan.
“Together, we can work towards a future where our environmental policies are not just words on paper, but tangible actions that safeguard the beauty of God’s creation for generations to come,” ayon kay Bishop Uy.
Ang environmental forum ay inisyatibo ng Tagbilaran Baywatch na nangunguna sa pagsusulong ng mga programang mangangalaga sa kalikasan kabilang na rito ang pagtutol sa 12-bilyong pisong reclamation project sa baybaying dagat ng Tagbilaran City.
Pinuri ni Bishop Uy ang lahat ng sektor na dumalo lalo na ang mga kabataan na inaasahang itaguyod ang maayos na kapaligiran sa kapakinabangan ng susunod na henerasyon.
“To the students who have graced us with your presence today, I commend your eagerness to engage in discussions that are essential to the well-being of our planet. Your active participation serves as a beacon of hope for the future, and I urge you to carry forward the lessons learned today as you embark on your journey to make a positive impact in the world,” giit ni Bishop Uy.
Nagbigay ng kanilang mga panayam sa forum sina Kilven Matuod na isang Geologist at si Environmental Specialist Dr. Maria Noelyn Dano na ayon kay Bishop Uy ang kanilang ibinahaging impormasyon ay malaking tulong para higit na maunawaan ng mamamayan ang kahalagahang itaguyod ang pagbibigay proteksyon sa kalikasan.
Hiling ng obispo sa mga dumalo sa environmental forum na magkaisang pangalagaan ang kalikasan, isulong ang mga gawaing makabubuti sa kapaligiran at tutulan ang anumang mapaminsalang proyekto na malaking banta sa pagkasira ng kalikasan.
Sa pagpapastol ni Bishop Uy sa diyosesis ay itinataguyod nito ang pangangalaga sa kalikasan alinsunod sa panawagan ng Santo Papa Francisco sa ensiklikal na Laudto Si kabilang na rito ang pagtatanim ng mga punong kahoy, paglilinis sa mga karagatan at iba pang anyong tubig gayundin ang pagtutol sa mapanganib na mga proyekto tulad ng Tagbilaran Bay reclamation project, coal fired power plant, quarrying at iba pa.