11,555 total views
Nagpapasalamat ang pamunuan ng International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage sa mga nakibahagi sa kauna-unahang Marian International Festival bilang pagpapalaganap ng debosyon sa Mahal na Birheng Maria.
Ayon kay Antipolo Bishop Ruperto Santos, rektor at kura paroko ng dambana, layunin ng festival na higit na maipakilala at maipaunawa sa mananampalataya ang tunay na kahulugan ng pagdedebosyon sa ina ng Panginoong Hesukristo.
“Ito ay isang gawain natin upang ipalaganap ang ating debosyon sa ating Mahal na Ina at sa ating pagpapalaganap ng debosyon sa kanya ay napapalalim natin ang ating pananampalataya, pananalig sa ating Panginoong Diyos,” ayon kay Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Nagsimula ang tatlong-araw na pagtitipon noong January 9 kung saan nagkaloob ng Sakramento ng Kumpisal upang mabigyang pagkakataon ang mga mananampalataya na panibaguhin ang sarili at humingi ng tawad sa Panginoon.
Sa ikalawang araw, January 10, pinagtuunan ng dambana ang pagkakawanggawa sa pamamagitan ng feeding program, pamamahagi ng school supplies, at serbisyong pangkalusugan para sa mga mananampalataya, lalo na sa mahihirap.
Habang nagtapos naman ang festival noong January 11 sa pamamagitan ng Banal na Misa at Marian Conference, sa pangunguna ni Vatican Dicastery for Evangelization Pro-Prefect, Cardinal Luis Antonio Tagle, katuwang si Bishop Santos, at mga pari ng Diyosesis ng Antipolo.
Lubos na nagagalak si Bishop Santos sa pagpapaunlak ni Cardinal Tagle na pangunahan ang pagtatapos ng pagtitipon at higit pang maipaliwanag sa mga mananampalataya ang diwa ng Marian Devotion.
Umaasa si Bishop Santos na sa paglulunsad ng taunang Marian International Festival, lalo na ngayong Taon ng Hubileyo na may temang “Pilgrims of Hope,” ay magpapatuloy ito upang sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria, na siyang huwaran ng tunay na pag-asa, ay makamit ng bawat isa ang kapayapaan habang naglalakbay patungo sa landas ng Panginoong Hesukristo.
“Ito ay tanda na kung saan sa ating paglalakbay, ang Mahal na Birheng Maria dito sa Antipolo at sa ating mga Pilipino, siya ang ating ina ng kapayapaan at mabuting paglalakbay. Sa ating paglalakbay, tayo’y umaasa at ito talaga ang ating pag-asa na ito ay magiging mabuti’t mapayapa, at mag-uuwi sa atin ng ating malalim na panampalataya at mag-uuwi sa atin sa bahay ng ating Diyos Ama sa Langit,” ayon kay Bishop Santos.
Kiilala ang International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral bilang kauna-unahang international shrine sa Pilipinas at sa Southeast Asia, gayundin ang kauna-unahang Marian international shrine sa buong Asya.
Nagsisilbing tanglaw ng pag-asa at pananampalataya ang mayamang kasaysayan ng dambana at ang patuloy na debosyon sa Mahal na Birhen para sa milyun-milyong deboto mula sa iba’t ibang panig ng mundo.