192 total views
Hindi maganda ang namamayaning kultura ng takot sa bansa.
Ito ang binigyang diin ni Kaloocan Bishop Pablo Virgilio David, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Cultural Heritage of the Church sa pananahimik at kawalan ng aktibong hakbang ng mamamayan sa patuloy na pagtaas ng kaso ng mga pagpatay na may kaugnayan sa pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.
Naniniwala si Bishop David na hindi tanggap ng taumbayan ang mga insidente ng pagpaslang ngunit nababalot ng takot na madamay maging ang kanilang pamilya kapag gumawa ng hakbang upang magsalita o manindigan laban sa mga grupong nasa likod ng pagpatay.
“Hindi ko siguro sasabihin na tanggap nila, natatakot lang sila, alam nila yung nangyayari sa kanilang paligid pero takot magsalita yung tao baka madamay, baka paghigantihan o baka saktan yung kapamilya, ito yung kultura ng takot na namamayani sa atin na palagay ko hindi maganda…”pahayag ni Bishop David sa panayam sa Radio Veritas.
Sa pinakahuling tala ng Philippine National Police mula ng magsimula ang Oplan Tokhang noong July 1, 2016 hanggang ika-20 Hunyo 2017, mahigit sa 63,900 ang isinagawang operasyon ng mga otoridad kung saan 3,200-katao ang namatay matapos lumaban sa mga pulis habang nasa 3,560 ang kaso ng death under investigation o sinasabing kabilang sa extra-judicial killings.
Naunang inilarawan ni Bishop David na anay ang takot na nananaig at kumakain sa puso’t-isip ng mga saksi sa serye ng pagpaslang upang hindi isiwalat ang kanilang mga nasaksihan sa takot na madamay maging ang kanilang mga pamilya.
Kaugnay nito, itatatag ng Diocese of Kalookan kasama ang lokal government unit at mga N-G-Os ang human rights council na tututok at magmomonitor sa ginagawang hakbang ng Philippine National Police para maresolba ang tumataas na kaso ng EJK sa Caloocan, Navotas at Malabon.
Read: Human Rights Council, itatatag sa Diocese of Kalookan
Ang pananahimik ng mga saksi ang dahilan upang hindi umusad ang kaso at pagresolba sa mga hinihinalang kaso ng E-J-K may kinalaman sa kalakalan ng iligal na droga sa bansa.