19,136 total views
Nagpahayag ng paghanga at pagkilala si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa naging makabuluhang buhay at adbokasiya ng namayapang si Redemptorist Father Amado “Picx” Picardal, CSsR.
Sa Pastoral Visit On-Air sa Radyo Veritas ni Bishop David ay ibinahagi ng Obispo ang pakikidalamhati at pakikibahagi sa paghahatid sa huling hantungan ngayong araw kay Fr. Picardal na nakilala sa kanyang adbokasiya na may kaugnayan sa pagsusulong ng kapayapaan at katarungang panlipunan sa bansa.
Ayon kay Bishop David, kahanga-hanga ang pambihirang tapang ni Fr. Picardal na tinagurian bilang “biking priest” kung saan sa pamamagitan ng pagbibisikleta sa iba’t ibang lugar sa bansa ay kanyang isinusulong ang kanyang mga adbokasiya sa kapayapaan at katarungang panlipunan para sa bawat mamamayan.
“We’re also sorry to say na pumanaw si Fr. Amado Picardal, CSsR at siya ay inilibing sa araw na ito. He was the former executive secretary ng Basic Ecclesial Community Commission ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines. Alam natin, kilala natin he was a great man and bold prophet of social justice ‘Father Picx’ ang tawag sa kanya Fr. Amado Picardal, CSsR Redemptorist.” Bahagi ng mensahe ni Bishop
David sa Radyo Veritas.
Pinangunahan ni Cebu Auxiliary Bishop Emeritus Emilio “Boy” Bataclan ang Banal na Misa para sa paghahatid sa huling hantungan kay Fr. Picardal na namayapa sa edad na 69-na-taong-gulang dahil sa cardiac arrest noong ika-29 ng Mayo, 2024 kasabay ng kanyang ika-47 anibersaryo ng religious profession.
Ipinanganak si Fr. Picardal noong October 6, 1954 at naordinahang Pari noong April 24, 1981 kung saan kayang mariing isinulong ang pagkakaroon ng kapayapaan at katarungang panlipunan sa bansa partikular na laban sa mga serye ng karahasan sa syudad ng Davao.
Nagsilbi rin si Fr. Picardal bilang dating executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Basic Ecclesial Community Committe na ngayon ay isa ng Episcopal Commission.