30,067 total views
Pinuri ni Digos Bishop Guillermo Afable ang namayapang si Pagadian Bishop Ronald Lunas sa pagiging mabuting pastol sa kawang ipinagkatiwala sa kanyang pangangalaga.
Ayon kay Bishop Afable, naging tapat ang namayapang obispo sa kanyang tungkulin at isinabuhay ang diwa ng pagmimisyon ni Hesus sa sanlibutan.
“He is true and faithful shepherd of his flock according to the Heart of Jesus, in Digos and Pagadian,” pahayag ni Bishop Afable sa Radio Veritas.
Batay sa ulat pumanaw si Bishop Lunas nitong January 2 ganap na alas 8:28 ng umaga habang nasa intensive care unit ng Southern Philippines Medical Center Heart Institute sa Davao City matapos ang heart bypass operation noong December 28.
Si Bishop Lunas ay ipinanganak noong November 27, 1966 sa Magsaysay Davao del Sur, nagtapos ng philosophy at theology sa dating Saint Francis Xavier College Seminary na ngayon ay Saint Francis Regional Major Seminary sa Davao City.
Inordinahang pari noong April 7, 1992 at makalipas ang halos tatlong dekada sa pagiging pari ng Diocese of Digos itinalaga ito ni Pope Francis bilang ikalimang obispo ng Diocese of Pagadian noong November 22, 2018.
Inordinahang obispo ni Bishop Afable noong February 2019 at pormal na naitalaga sa Pagadian noong Marso ng kaparehong taon.
Ang 57 taong gulang na si Bishop Lunas ay ipinagmalaki ng Diocese of Digos bilang kauna-unahang homegrown bishop sa kanilang lugar.
Nakatakdang ihatid sa huling hantungan si Bishop Lunas sa January 11 kasunod ng banal na misa sa alas 9:30 ng umaga sa Sto. Nino Cathedral sa Pagadian City at ihimlay ang kanyang mga labi sa crypt ng cathedral.
Bukod sa Diocese ng Pagadian, may walo pang diyosesis ang sede vacante kabilang na ang mga diyosesis ng Alaminos, Baguio, Balanga, Catarman, Gumaca, Ipil, San Pablo at Tarlac.