196 total views
Naniniwala si Lingayen-Dagupan archbishop emeritus Oscar Cruz na nasa tamang kampanya ang administrasyong Duterte kontra ilegal na droga.
Ayon sa arsobispo, nasisiyahan na siya sa pamumuno ni Duterte at seryoso itong masawata ang laganap na transaksyon ng ilegal na droga lalo na at pinatunayan nito na wala na talagang kaibi-kaibigan sa kanya na lahat ay dapat managot kung may pagkakasala.
Ito’y matapos na halos 160 pangalan na mga opisyal ng lokal na pamahalaan, mga hukom at pulis ang inatasan niyang magbigay ng kanilang panig kaugnay ng pagkakasangkot sa droga.
“Mukhang may nilalaman, unit-unti nga mukhang nasisiyahan ako sa kanyang pamumuno pagkat he means business, bagamat siyempre may konting pag-aalinlangan tungkol sa maraming patayan, pero may sinasabi ata yung mama na talagang asikasuhin ang bagay na ito at yung sinasabi niyang di siya natatakot mamatay at maski kaibigan niya ipapakulong niya mukhang nakakahimasmas ng kalooban,” pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng programang Veritas Pilipinas sa Radyo Veritas.
Una na ngang napaulat na kaibigan ng Pangulo ang ilan sa mga ibinunyang niyang pangalan na protektor ng droga at ang iba ay mga taga-suporta pa niya.
Naniniwala naman ang arsobispo na ito na ang simula ng sinasabing pagbabago ni Duterte at bagamat humahanga may lungkot pa ring nararamdaman lalo na at nitong mga nakaraang linggo, marami ang napatay sa operasyon.
“Ewan ko kung nagkaroon ng epekto na patayan dito patayan dun, dito pinangalanan na niya, baka ito ang konting pagbabago na dumarating na di katulad noong nakaraang mga linogo na patayan, this is some kind of improvement on justice process na pamamaraan para malaman kung may sala o wala ang tao, ito nga ay sa pamamagitan ng justice system natin,” ayon pa sa arsobispo.
Simula nang maluklok sa puwesto ang Pangulong Duterte, higit sa kalahating milyon na ang sumukong drug suspects at humigit-kumulang na sa 500 ang napapatay sa operasyon ng pulisya kontra droga.