85,081 total views
Mga Kapanalig, humupa na ang palakpakan ng mga pulitiko sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Dahil dito, nalulungkot si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, isa sa numero unong tagasuporta ng dating pangulo. Sa ilalim ng kanyang pamumuno bilang hepe ng Philippine National Police (o PNP), ipinatupad ng nakaraang administrasyon ang marahas at madugong giyera kontra droga. Sa dami ng pinatay ng mga pulis pati na rin ng mga vigilante (na iniuugnay din sa kapulisan), nag-imbestiga na ang International Criminal Court (o ICC) sa itinuturing ng mga nagtataguyod ng karapatang pantao o human rights bilang crime against humanity. Isa nga raw si Senador Bato sa mga kinokonsiderang suspek sa kasong ito, bagay na hindi na ikinagulat ng mambabatas.
Sa isang panayam, tila may tampo si Senador Bato sa mga mambabatas, lalo na ang mga nasa Mababang Kapulungan ng Kongreso. Noon daw, panay ang pasalamat nila kay Pangulong Duterte at sa kanyang administrasyon dahil sa paggamit nito ng kamay na bakal. Naging tahimik daw ang mga lansangan. Naging ligtas daw ang pakiramdam ng mga tao.
Pero ngayon, nag-iba na raw ang ihip ng hangin. Mabilis daw magbago ng pananaw at ugali ang mga tao, lalo na ang mga kapwa niyang mambabatas. Binabatikos na raw nila ngayon si dating Pangulong Digong pati ang mga nasa likod ng giyera kontra droga, kabilang si Senador Bato. Parang “villain” o kontrabida na ang nakaraang administrasyon sa mata ng mga pulitikong puro papuri at pasasalamat sa war on drugs noon.
Batid ni Senador Bato na ganito raw talaga ang pulitika sa ating bayan. Nawawala ang prinsipyo ng mga pulitiko kapag may nakikita silang oportunidad para makinabang sa mga nasa poder. Hindi man daw lahat, pero kahit ang nakabibinging katahimikan ng mga dati nilang kaalyado sa harap ng pagbatikos kay dating Pangulong Duterte at sa giyera kontra droga ay nagdudulot ng kalungkutan sa dating pulis at ngayon ay senador.
Ang binabanggit ni Senador Bato ay tinatawag na politics of convenience. Kumakampi ang mga pulitiko sa mga lider na sa tingin nila ay makatutulong sa sarili nilang agenda. Dahil sikat noon si Pangulong Duterte, takot silang kontrahin ang anumang sasabihin niya, kahit pa mali ang mga ito. Dahil ayaw nilang mawalan ng pondo ang mga proyektong magbibigay sa kanila ng boto, tumatangò at pumapalakpak lang sila sa lahat ng gustong gawin ng dating administrasyon. Pero kapag tangan na ng iba ang kapangyarihan, mabilis din silang lilipat ng katapatan.
Salungat ito sa sinasabi ng Catholic social teaching na Octogesima Adveniens tungkol sa pulitika. Ang kapangyarihang pulitikal ay dapat na nakatuon sa tinatawag nating common good o kabutihang tinatamasa dapat ng lahat. Ginagamit ang pulitika para pairalin ang katarungan at para isulong ang ikabubuti ng bawat mamamayan.[6] Pagkamakasarili ang umiiral kapag ang mga nasa larangan ng pulitika ay tila nilalaro lamang ito para sa kanilang kapakanan at makikitid na interes.
Ang politics of convenience ay walang pakialam sa mga totoong dapat na pinahahalagahan ng bayan o values. Pero, linawin din dapat natin ang mga values na dapat itinataguyod ng pulitika. Hindi kabilang sa mga ito ang pagpapalaganap ng kultura ng karahasan, ang pagpatay, at ang hindi paggalang sa proseso ng batas. Hindi tamang pahalagahan ang pagbalewala sa buhay at dignidad ng tao. Ang pagkilala kaya sa mga ito ang nasa likod ng pagbawi ng mga pulitiko ng kanilang palakpakan para sa war on drugs?
Mga Kapanalig, wika nga sa Isaias 5:20, kawawa ang mga minamasama ang mabuting gawa at minamabuti ang masama. Kaya naman, lagi nating kilatisin ang mga sinasabi at ginagawa ng mga namumuno sa ating bayan.