290 total views
Ang Mabuting Balita, 15 Oktubre 2023 – Mateo 22: 1-14
NAPAKALAKING BIYAYA
Noong panahong iyon, muling nagsalita si Jesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: naghandog ng isang piging ang isang hari sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan ngunit ayaw nilang dumalo. Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin at kanyang pinagbilinan, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na naihanda ko na ang aking piging: napatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat ng bagay. Halina kayo sa piging!’ Ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Humayo sila sa kani-kanilang lakad; ang isa’y sa kanyang bukid at sa kanyang pangangalakal naman ang isa. Sinunggaban naman ng iba ang mga alipin, hinamak at pinatay. Galit na galit ang hari. Pinaparoon niya ang kanyang mga kawal, ipinapuksa ang mga mamamatay-taong iyon at ipinasunog ang kanilang lungsod. Sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Nakahanda na ang piging, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Kaya’t pumunta kayo sa mga lansangang matao, at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’ Lumabas nga sa mga pangunahing lansangan ang mga alipin at isinama ang lahat ng natagpuan, masama’t mabuti, anupa’t napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan.
“Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, at nakita niya roon ang isang taong hindi nakadamit pangkasalan. ‘Kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakadamit pangkasalan?’ tanong niya. Hindi nakaimik ang tao. Kaya’t sinabi ng hari sa mga katulong, ‘Gapusin ninyo ang kanyang kamay at paa at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo’y mananangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’ Sapagkat marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang nahihirang.”
————
Isipin natin ang piging na inihanda ng hari para sa kasal ng kanyang anak. Isipin natin ang mga paghahanda na ginawa para dito, pati na ang pagpapadala ng mga imbitasyon sa mga taong nais ng hari at ng anak na imbitahin. Isipin natin ang lahat ng ginastos para dito. Marahil, labis-labis ito sapagkat ito ay napakahalaga at pambihirang okasyon dahil bihirang ikasal ang anak ng dalawang beses. Iisipin natin na napakalaking pribilehiyo o karangalan ang maimbita sa ganitong okasyon (tulad ng nangyayari sa U.K.), ngunit sa talinhaga ni Jesus, hindi pinahalagahan ng mga kinumbida ang imbitasyon sapagkat mas mahalaga dito ang mga personal na bagay na nais nilang gawin. Ito ay isang napakalaking insulto sa hari, kaya’t ganoon na lang ang kanyang naging reaksyon. Ngunit, sapagkat ang piging ay handa na, naisip niyang kumbidahin kahit sinong makumbida ng kanyang mga alipin, at pinuno nila ang bulwagang pangkasalan. Kaya lang, napansin niya ang isa sa kanila ay hindi nakasuot ng damit pangkasalan, at ito ay ipinatapon niya sa kadiliman sa labas.
Kung matalino at sensitibo ang mga punong saserdote at mga matatanda ng bayan, natanto sana nila na sila ang itinutukoy ni Jesus sa kanyang talinghaga. Dapat sana, nadama nila na sila ay nabigyan ng natatanging karapatan at naparangalan bilang unang tatanggap ng mapagmahal na awa ng Diyos. Ngunit, ang kanilang kapalaluan at matigas na puso ay naging hadlang. Sa Lukas 19: 41-44, tinangisan ni Jesus ang Jerusalem at sinabi, “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makakapagdulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ito’y lingid ngayon sa iyong paningin. Darating ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, palilibutan ka nila at gigipitin sa kabi-kabila. Wawasakin ka nila at lilipulin ang lahat ng iyong mamamayan. Wala silang iiwanang magkapatong na bato sapagkat hindi mo pinansin ang pagdalaw sa iyo ng Diyos.”
Tayong mga Kristiyano, ay maihahambing sa mga taong wala sa listahan ng mga kinumbida ng hari at nanggaling kung saan-saan. NAPAKALAKING BIYAYA ang matawag kahit na pangalawang pinagpilian, kaya’t hindi natin ito maaaring bale-walain. Hindi maaaring bawasan ang ating pakikilahok sa piging sapagkat tayo ay pangalawang pinagpilian. Sa paghahari ng Diyos, inaasahang makilahok tayo ng tulad sa inaasahang pakikilahok ng mga unang inimbita.
Panginoong Jesus, tulungan mo kaming mapabilang sa mga hinirang!