2,089 total views
Ang Mabuting Balita, 1 Disyembre 2023 – Lucas 21: 29-33
NAPAKAPALAD
Si Jesus ay nagsalita ng isang talinghaga sa kanila:Narito, ang puno ng igos at lahat ng mga punong-kahoy. Kapag sumibol na sila, makikita ninyo at malalaman na ang tag-init ay malapit na. Gayundin kayo, kapag nakita ninyo ang mga bagay na ito na nangyari na, alam ninyong ang paghahari ng Diyos ay malapit na.
Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kailanman ay hindi lilipas ang lahing ito hanggang sa mangyari ang lahat. Ang langit at lupa ay lilipas ngunit ang aking mga salita kailanman ay hindi lilipas.
————
Ayon sa mga pag-aaral kamakailan, bagamat mayroong mas mababang bilang ng nagpapatiwakal sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa, tumataas ang bilang, at ang nakakatakot ay karamihan sa kanila ay mga “young adults.” Karamihan ng mga dahilan ng pagtaas ng bilang ng mga pagtangkang magpatiwakal ay ang pagiging babae, pagdanas ng pisikal na dahas, inaapi, pagdama ng kalungkutan sa pag-iisa, kulang sa tulog, kakaunting malapit na kaibigan, paninigarilyo, pag-iinom ng alak, kaunting gawaing pisikal, paggamit ng amphetamine/methamphetamine at kakaunting pamamatnubay ng magulang. Ang paggamit ng amphetamine/methamphetamine ang isang pinakamataas na dahilan ng pagtangkang magpakamatay lalo na sa mga kabataan. Karamihan ng pag-iisip na magpatiwakal ay nagmumula sa pagdanas ng katamtaman hanggang matinding “depression,” at kung hindi matulungan, ito ay mauuwi sa pagpapatiwakal.
Bakit nangyayari ang mga ito? Marahil, ang Salita ng Diyos ay hindi na, o nabawasan na maging, sandata laban sa kasamaan, tagapagpagaan sa panahon ng kagipitan o hapis, o katiyakan ng Pagmamahal ng Diyos. Noong lumang panahon, sa oras ng kagipitan, binubuksan ng mga tao ang kanilang Bibliya, sa pag-asa na ang Diyos ay magsasalita sa kanila sa pamamagitan ng pagbasa na nasa bukas na pahina. Sa panahon ngayon, mayroon ba tayong Bibliya sa ating mga tahanan, o kung meron man, binubuksan ba natin at binabasa ito? Tulad ng sabi ni Jesus, “Ang langit at lupa ay lilipas ngunit ang aking mga salita kailanman ay hindi lilipas.” NALALAMPASAN ng Salita ng Diyos ang lahat ng mga lahi at kultura. Nariyan na ito sa simula pa lamang at mananatili magpakailanman. NAPAKAPALAD natin na ito ay maaari nating abutin!
Magsalita ka Panginoon, ang iyong lingkod ay nakikinig!