9,373 total views
Homily for the 23rd Sunday in Ordinary Time, 08 September 2024, Mark 7:31-37
Isang kasabihan sa Bibliya, ang chapter 3 ng Ecclesiastes ang pagkukuhanan natin ng inspirasyon para sa ating pagninilay sa ebanghelyo ngayon. “May tamang panahon para sa lahat ng bagay, panahon para sa bawat gawain sa mundong ibabaw…May panahon daw para magsalita, at panahon para tumahimik.”
Marami tayong mga salitang Tagalog na hiram sa Ingles. Tulad halimbawa ng salitang “tayming, tumayming”. Sa Ingles kasi, iba ang ibig sabihin ng “time” sa “timing”. Ang “time” ay ang eksaktong panahon o iskedyul para sa gawain—oras, petsa ng araw, buwan at taon. Ang “timing” ay ang pagtatakda sa mga ito—kung kailan ba napapanahon, kailan ba ito dapat gawin. Hindi ka magtatakda ng garden wedding reception sa panahon ng tag-ulan, di ba? Hindi bagay ang magsayawan ng disco sa gitna ng burol sa patay, di ba? Common sense lang madalas ang gumagabay sa pagdedesisyon natin kung ang isang bagay ay napapanahon o hindi—hindi mo itatakda ang isang gawain kung sa pakiramdam mo ay hindi pa ito napapanahon.
Pagnilayan natin ang dalawang tanong: kailan ba napapanahon para magsalita, at kailan napapanahon para manahimik?
Simulan natin sa una, ang panahon para magsalita. Maraming dahilan kung bakit tumatahimik ang tao. Kahit totoong kailangan natin ang pananahimik para mapayapa, makapagdasal, o makapag-isip-isip, minsan meron ding negative meanings ang pananahimik. Minsan mananahimik ang tao dahil natatakot siya, o nagtatampo. May kakilala ako—nagpapanic na daw siya kapag hindi na siya iniimik ng asawa niya. May ibig sabihin.
Sa mga malakihang proyektong katulad ng mga reclamation projects na kasalukuyang ginagawa sa Manila Bay—sino ba ang kinunsulta bago inapprove ang mga project? Tinanong ba ang mga mangingisda at magtatahong? Kaninong boses lang ang pinakinggan? Tinanong ba ang mga residente ng mga coastal cities na ngayon ay binabaha? Ang kawalan ng tinig kung minsan ay katumbas ng kawalan ng kapangyarihan o karapatan lalo na ng mga mahihirap—na magpahayag ng saloobin.
May mga taong hindi masabi ang ibig nilang sabihin sa gitna ng maraming tao. Kaya siguro isinantabi ni Hesus ang bingi’t pipi at hinarap niya ito nang sarilinan. Minsan nga napakalalim ng sugat at kahit sa sarilinan hindi mabuksan ang bibig ng taong may pingdaraanan. Ang hirap tulungan ng taong ayaw magbukas dahil nga nawalan na ng tiwala sa kapwa, di ba? Ano ang magagawa mo kung kahit alam mong hindi totoo, kahit kitang-kita mo sa mata ng kaibigan mo na nagdurusa siya, nagkukunwari pa rin siyang ok lang siya, kahit alam mong hindi. Na wala naman daw problema.
Madalas mangyari ang ganyan lalo na sa mga nakakaranas ng pang-aabuso o pangmamaltrato. At ikaw na ibig tumulong, parang ibig mong maghinagpis dahil helpless ka, parang wala kang magawa. Kaya siguro sinasabi sa ebanghelyo na napaungol si Hesus nang haplusin niya ang tenga at bibig ng taong matagal nang bingi at pipi. May mga sitwasyon na hindi madaling papagsalitain ang taong napipi dahil sa trauma. Ito ang nasabi minsan ng isang tao matapos na gawin niya ang lahat ng paraan para makumbinsi ang kaibigan niyang rape victim na magsalita. Ang kaibigan daw niyang dating masigla ay biglang naging parang tulala. Naiiyak daw siya na hindi na niya makausap na mabuti ang best friend niya. Parang nagsara na ito nang husto. Para gusto niyang isigaw: “Ano ang ginawa nila sa iyo?” Kaya siguro paungol na sinabi ni Hesus, “Mabuksan ka!”
Dumako naman tayo ngayon sa pangalawa: ang panahon para sa pananahimik.
Sa dulo ng kuwento sa ebanghelyo matapos papagsalitain ni Hesus ang dating pipi, binilinan naman daw niya ang mga tao na huwag na ipagsabi sa iba ang nangyari. In short, pinatatahimik sila. Pero kung kailan pinatatahimik ay lalo naman silang nag-ingay.
Sa buhay natin hindi naman talaga kailangang ipagsabi ang lahat kahit pa totoo, di ba? Kahit totoong may alitan sa pamilya ng isang kilalang Olympic gymnast, kailangan ba talagang ipost iyan sa social media at ipaalam sa publiko? Paano mo pagkatiwalaan ang mga taong walang pakundangan sa mga usaping “confidential”? Kaya nga siguro isinabatas ang tungkol sa “data privacy” ay para mapanagot ang mga walang paggalang sa privacy ng kapwa tao nila. Ang pagsasapubliko sa mga bagay na sensitibo ang madalas makasira sa mabuting pagsasamahan. Kung kelan yata sinasabing “atin-atin lang”, noon mas mabilis ang pagpapakalat ng tsismis at intriga.
Noong bumalik ang mga alagad galing sa misyon, excited silang magkuwento kaagad. Pero pinatahimik muna sila ng Panginoon. Pinapunta sa ilang na lugar. Madalas gawin ito ni Hesus, siya mismo. Nananahimik, bago magturo. Kung ibig natin maging makahulugan ang sasabihin natin, importanteng makinig muna, manahimik at mag-isip-isip bago magsalita. Masarap pakinggan ang mga taong may kuwenta ang ikinukuwento. Walang kuwenta ang kuwento kung walang punto o saysay, basta lang salaysay.
Sa araw na ito ng paggunita ng sa kaarawan ng Mahal na Birhen, si Maria ang gawin nating huwaran ng taong mahusay sa pakiramdaman—kung kailan ba napapanahon para tumahimik upang maunawaan ang kalooban ng Diyos at panahon para umawit ng Magnificat, at panahon upang ipahayag sa madla ang kagandahang-loob ng Diyos.