669 total views
Pinuri ng isang opisyal ng Simbahang Katolika ang hamon ng Cambridge University kay Pope Francis na hilingin sa mga katolikong-kristiyano ang “no meat Friday” upang mabawasan ang global carbon emissions.
Ayon kay Fr. Anton CT. Pascual, pangulo ng Radio Veritas at executive director ng Caritas Manila na napapanahon ang panawagan ng pamantasan dahil sa patuloy na pagbabago ng klima ng daigdig na nagreresulta sa mga mapaminsalang sakuna.
““Napakaganda ng hamon ng pag-aaral ng Cambridge University na hamunin ang ating mga katoliko sa inspirasyon ni Pope Francis na isulong ang “No Meat Friday”, pahayag ni Fr.Pascual
Upang makatulong na sagipin ang mundo sa epekto ng climate change, pinangunahan ni Fr.Pascual ang paglulunsad ng “No Meat Friday” campaign noong taong 2016.
“Ito naman ay tradisyon nating mga katoliko. Kaya’t napakaganda nitong ating adbokasiya na ating ginagawa sa Radio Veritas na nawa’y palaganapin natin sa tulong at inspirasyon ng ating Santo Papa,” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Tiwala si Fr.Pascual na sa pamamagitan ng panawagan sa Santo Papa ay suportahan at isulong ng mga kasapi ng Catholic Bishop Conference of the Philippines o C-B-C-P ang “No Meat on Friday” campaign ng Radio Veritas.
Iginiit ni Fr.Pascual na ang hindi pagkain ng karne ng hayop ay makakatulong ng malaki sa pangangalaga sa kalusugan ng tao at proteksyon sa kalikasan.
Ipinaliwanag ni Fr. Pascual na kabilang ang animal agriculture sa mga nangungunang dahilan ng greenhouse gases kaya’t patuloy ang pagtaas ng temperatura ng daigdig.
Binigyang-pansin din ng pari ang negatibong epekto ng maramihang pagkonsumo ng karne sapagkat kaakibat naman nito ang iba’t ibang karamdaman.
Muling nanawagan si Fr. Pascual sa mamamayan na isabuhay at ipalaganap ang kampanyang No Meat Friday dahil hindi lamang pangangalaga sa kalusugan ang hatid nito, kundi paggalang at pagpapahalaga na rin sa mga hayop na kabilang sa mga nilikha ng Diyos.
“What is good for the planet is good for the body. What is good for the body is good for the planet. Alagaan po natin ang biyayang binigay sa atin ng Panginoon, ang ating katawan at ang kalikasan para lalo tayong makapaglingkod,” saad ng pari.
Batay sa tala, 84-porsyento ng chronic diseases ang nagmumula sa pagkain ng karne, habang maaari namang mabawasan ng anim na bilyong tonelada ang nalilikhang greenhouse gases na nagmumula sa mga hayop.