218 total views
Napapanahon na upang mawakasan ang higit 50-taong communist insurgency o rebolusyon ng mga komunistang rebelde sa bansa.
Ito ang reaksyon ni Atty. Rene Sarmiento, Chairperson ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at miyembro ng GRP Peace panel kaugnay sa inaasahang muling pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng National Democratic Front matapos ipatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakalipas na taon.
Paliwanag ni Atty. Sarmiento, napakahalaga ng pag-uusap o dayalogo ng magkabilang panig upang mawakasan na ang pinaka-mahaba at matandang rebolusyon sa bansa na maituturing na ring “the oldest communist insurgency in the world”.
“Napaka-halaga po ng pag-uusap, alam niyo ba na ang Communist Insurgency sa Pilipinas ay the oldest Communist insurgency in the world ito ay 50 years old dati Colombia 52 years old ang communist insurgency doon, ngayon natapos na po dahil sa peace talks, so sa World tayo ang pinaka-mahaba, pinaka-matandang communist insurgency kaya dapat po matapos na rin po ito…” pahayag ni Sarmiento sa panayam sa Radyo Veritas.
Disyembre taong 1968 ng itinatag ni Jose Maria Sison, isang dating student activist at dating miyembro ng Partido Komunista ng Pilipinas ang Communist Party of the Philippines na layunin na maireporma ang presensya ng mga komunista sa bansa at pabagsakin ang Marcos regime.
Makalipas lamang ang halos tatlong buwan ay itinatag naman noong March 1969 ang New People’s Army upang magsilbing armed wing ng grupo; habang taong 1973 naman ng itinatag ang National Democratic Front of the Philippines na siyang umbrella organization ng CPP-NPA na layunin namang maging kinatawan ng kumunistang grupo sa larangan ng politika.
Tanging ang usapang pangkapayapaan ang nakikitang solusyon ng Simbahan Katolika upang magkaroon ng ganap na pagkakasundo ang iba’t ibang kumunistang grupo at ang pamahalaan.
Dahil dito umaasa ang mga Obispo sa iba’t ibang diyosesis sa buong bansa na tuluyang nang magkaroon ng positibong resulta ang planong pagpapatuloy ng peace talks sa pagitan ng mga kumunistang grupo at pamahalaan upang matamasa ang pangmatagalang kapayapaan sa bansa.