33,245 total views
Muling umapela ng ‘ceasefire’ ang Santo Papa Francisco sa digmaan sa pagitan ng Israel at Hamas militant group gayundin sa iba pang mga bansa na may kaguluhan.
Umaasa ang pinunong pastol ng simbahan na maisulong ang mga hakbang na makatutulo upang ng mahinto ang tunggaliang nagdudulot ng labis na pinsala sa tao at sa pamayanan lalo na sa Gaza.
“I hope that all avenues will be followed so that the conflict can absolutely be avoided, the wounded can be helped and aid can reach the population of Gaza, where the humanitarian situation is very serious.” bahagi ng pahayag ni Pope Francis.
Mula nang sumiklab ang digmaan sa Israel noong October 7 mahigit na sa 8, 000 ang nasawi sa magkabilang panig kabilang na ang mga inosenteng sibilyan lalo na ang mga kabataan.
Sa ulat naman ng United Nations Relief and Works Agency for Palestine Refugees nasa 79 kawani ng United Nations ang nasawi sa Gaza na nagsagawa ng relief operations sa mga naiipit sa kaguluhan.
Dalangin ni Pope Francis ang kahinahunan at kaliwanagan ng isip ng mga lider ng magkabilang panig upang piliin ang landas ng pagkakasundo tungo sa pagkakamit ng kapayapaan sa lipunan.
Kaisa naman ang simbahan ng Pilipinas sa pananalangin para sa kapayapaan ng mga bansa sa Middle East at Europa na may mga karahasang nararanasan gayundin ang kaligtasan ng mga Pilipinong patuloy naiipit sa digmaan.
Ayon sa datos ng Department of Migrant Workers nasa 119 na mga OFW na ang nakauwi sa bansa mula sa 185 Pilipinong humiling ng repatriation.
Inaasahang mapagkakalooban ng 50-libong pisong tulong pinansyal ang mga umuwing OFW mula sa Overseas Workers Welfare Administration na makatutulong sa pagsisimula ng kabuhayang makatutulong sa pamilya.
Sa tala ng DMW nasa 30, 000 ang mga Pilipino sa Israel na karamihan ay caregivers habang isang porsyento ang mga nagtatrabaho sa mga hotel.