187 total views
Hindi dapat gawing state witness si ‘pork barrel queen’ Janet Lim Napoles ng Department of Justice (DoJ).
Ayon kay Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr., hindi ito naayon sakali mang tuluyang gawing state witness si Napoles lalu’t siya ang itinuturing na mastermind sa P10B pork barrel scam noong 2013.
Hinala din ni Bishop Bacani na maaring ginagamit lamang si Napoles ng gobyerno para pabagsakin ang mga kalaban ng kasalukuyang administrasyon sa pulitika.
“That is foolish it seems, very foolish. She seems to be one of the principal mastermind. It seems foolish to be making her the state witness. Sa tingin ko lang ‘yun ha, sa paningin ko lang ‘yun! Mukang isa siya sa pinakapuno’t dulo. Ang of course we can suspect that they will only be using her against those from the administration wants to put down,” ayon kay Bishop Bacani.
Base sa inilabas na ulat, ‘provisionally admitted’ sa Witness Protection Program ng Department of Justice si Napoles kaakibat ng programa ang pagbibigay sa kanya ng karagdagang bantay at kung kinakailangan ay tugunan ang kaniyang pangangailangang medical base sa nilagdaan certification ni Senior Assistant State Prosecutor Ma. Nerissa Molina-Carpio noong February 27.
Una na ring sumuko si Napoles noon sa administrasyong Aquino dala ang kanyang listahan ng mga mambabatas at ilang indibidwal na may kinalaman sa nasabing ilegal na transaksyon.
Bukod kay Napoles, kabilang din sa kinasuhan ng ‘plunder’ kaugnay sa pork barrel scam ang may 38 mambabatas at opisyal ng pamahalaan kabilang na ang noo’y sina Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon ‘Bong’ Revilla Jr.
Sa tatlong senador tanging si Revilla na lamang ang nanatiling nasa piitan makaraang payagang makapagpiyansa si Estrada habang pinalaya naman ang noo’y 91 taong gulang na si Enrile dahil sa ‘humanitarian reason’.
Sinabi naman ni Pope Francis na ang katiwalian ay isang kasalanan lalu’t nagdudulot ito ng pakiramdam ng pagigiging makapangyarihan kung saan pangunahing nagdurusa ay ang mga mahihirap na mamamayan.