16,566 total views
Binigyang diin ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) na mahalagang patuloy na ipaalala at ituro sa mga kabataan ang tunay na mga naganap sa bansa noong panahon ng Batas Militar sa gitna ng iba’t ibang tangka na baguhin ang nasabing bahagi ng kasaysayan.
Ito ang ibinahagi ni PAHRA Chairperson Dr. Nymia Pimentel-Simbulan na siya ring executive director ng Philippine Human Rights Information Center (PhilRights) sa paggunita ng ika-52 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa ika-21 ng Setyembre.
Ayon kay Simbulan, mahalagang labanan ang tila sistematikong mga hakbang upang tuluyang baguhin ang kasaysayan ng bansa noong panahon ng Batas Militar.
“Nakikita po namin na napakahalaga nung tuloy tuloy na pag-alala, pag-aaral tungkol sa mga naganap noong panahon ng Batas Militar dahil po dun sa systematic effort to distort history, ang tawag po natin diyan ay yung historical revisionism -yung talagang intentional na pag-distort ng mga mahahalagang pangyayari sa ating kasaysayan to serve the interest of those in power and I’m referring particularly to Martial Law kasi meron pong pinapalaganap sa bahagi ng mga those in power na ‘Martial Law Period was considered to be a Golden Days of our country’ at yun po ay isang kasinungalingan na aming nilalabanan…” Bahagi ng pahayag ni Simbulan sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ni Simbulan kabilang sa higit na pinaigting ng mga human right organization sa bansa partikular na ng PAHRA ang pagkakaloob ng human rights education hindi lamang sa mga eskwelahan at unibersidad, kundi maging sa mga komunidad at sa iba pang mga lugar.
“Ngayon po ang mga human rights organizations specifically yung Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) have embarked on continuing human rights education targetting yung atin pong mga kabataan at estudyante sa iba’t ibang parte ng kapuluan para tuloy tuloy na maalala namayroong isang madalim na yugto sa ating kasaysayan at ito ay yung ideklara ang Batas Militar noong 1972 ng former President Ferdinand Marcos Sr.” Dagdag pa ni Simbulan.
Partikular namang inihayag ni Simbulan na isa sa kongkretong patunay sa mga naganap na malawakang karahasan at paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng Martial Law ang pagsasabatas ng Human Rights Compensation Act na layuning mabigyan ng kompensasyon ang mahigit sa 10,000 mga biktima ng karapatang pantao noong panahon ng Batas Militar kabilang na ang mga nakaranas ng torture, at illegal arrest and detention.
September 21, 1972 nang magdeklara ng Martial Law ang rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na winakasan sa pamamagitan ng mapayapang People Power Revolution noong taong 1986.
Sa loob ng 14 na taon mula ng ideklara ang Martial ay samu’t saring pang-aabuso sa karapatang pantao ang naranasan ng mga Filipino kung saan batay sa datos ng Amnesty International 70,000 katao ang nakulong dahil sa paglaban sa gobyerno, 34,000 ang pinahirapan, habang mahigit naman sa tatlong libo ang biktima ng extrajudicial killings.
Samantala tinataya naman umabot sa mahigit 75,000 indibidwal mula sa buong bansa na lumapit sa Human Rights Claims Board na biktima ng iba’t ibang mga paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng Martial Law.