182 total views
Maaaring masuspende at matanggal sa serbisyo ang mga pulis na napatunayang positibo sa paggamit ng ilegal na droga sa ginagawang Internal Cleansing ng Philippine National Police.
Ito ang iginiit ni PNP-NCRPO Director Chief Superintendent Oscar Albayalde sa magiging parusa sa 15-kagawad ng PNP – National Capital Region Police Office (NCRPO) na kinabibilangan ng dalawang Non-Uniform Personnel na nagpositibo sa droga.
Paliwag ni Albayalde, kung malakas ang ebidensya at may probable cause na lumabag sa sinumpaang tungkulin ang isang pulis dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay maaring itong matanggal sa serbisyo.
“Dito sa NCRPO ang nagpositive dun is 13, tapos may dalawang Non-Uniform Personnel. They will only be facing charge investigation, after the Pre-charge investigation pagtalagang merong ebidensya o probable cause laban sa kanila then they’ll be facing Summary Hearing Procedures na kung saan pwede silang masuspende, they can face suspension a maximum of dismissal from the service…” pahayag ni Albayalde sa panayam sa Radio Veritas.
Sa inisyal na tala ng PNP- Crime Laboratory, umaabot na sa 174 na mga pulis ang nagpositibo sa isinagawang ‘Internal Cleansing’ na mandatory drug testing sa 159,000 – PNP Personnel na karamihan ay lumitaw na gumagamit ng shabu, marijuana at maging Ecstasy.
Samantala, naninindigan naman ang Simbahang Katolika na ang mga otoridad ang dapat na unang-unang nagpapatupad ng batas at pumoprotekta sa mga mamamayan maging sa mga itinuturing na kriminal sa lipunan.