217 total views
Mga Kapanalig, sa kanyang ‘di pangkaraniwang Urbi et Orbi noong 2020, inilarawan ni Pope Francis ang pandemya bilang isang bagyong inilantad sa ating hindi tayo nabubuhay para lamang sa ating mga sarili. Natagpuan natin ang ating mga sariling marupok at naliligaw. Napagtanto nating kailangan natin ang tulong at pagkalinga ng isa’t isa. Sa bagyong ito, lahat daw tayo ay nasa iisang bangka.
Magdadalawang taon na ang pandemya at ngayon nga ay nasa panibago na naman tayong wave o muling pagtaas ng mga kaso ng mga nagpopositibo sa Covid-19. Pinangangambahan din ang pagkalat ng bago at mas mabilis makahawang variant na Omicron, at nasa alert level 3 ang maraming lugar katulad ng Metro Manila. Hindi pa rin tapos ang bagyong dala ng pandemya. Malalakas na alon ng pangamba at daluyong ng takot ang hatid nito sa atin, ngunit dito sa ating bayan, mukhang wala tayo sa iisang bangka.
Nasa ilalim tayo ng isang bagyo ngunit nakasakay tayo sa iba’t ibang sasakyang pandagat. May mga nasa malalaking barko at marangyang yate kung saan maginhawa silang nakapamumuhay. May mga nasa maliliit na bangka o kaya naman ay mga balsa at pilit na kumakapit para sa kanilang buhay at kaligtasan. Sa madaling salita, pinalutang din ng pandemya ang malalim na hindi pagkakapantay-pantay sa ating lipunan, lalo na rito sa Pilipinas.
Makikita natin ito sa kontrobersyang kinasangkutan ng isang kababayan nating sinuhulan ang mga kawani ng isang quarantine hotel upang hindi na niya kailangang tapusin ang kanyang isolation period mula nang dumating galing sa ibang bansa. Napag-alaman ding ginawa niya ito upang maki-party kasama ang kanyang mga kaibigan sa dalawang restawran sa Makati. Kalaunan, nagpositibo siya sa Covid-19 at nakahawa ng iba pa. Due process ang ibinigay ng pamahalaan sa kanya. Nangalap sila ng ebidensya at kinasuhan ang mga sangkot sa paglabag sa Republic Act No. 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Hindi ito ang kaso sa mga kababayan nating hinuli at ikinulong agad ng mga awtoridad dahil sa din sa quarantine violations katulad ng paglabas ng bahay habang may lockdown o hindi pagsusuot ng face mask at face shield sa labas. Sa mga unang buwan ng pandemya noong 2020, mahigit 2,000 katao ang ibinilanggo sa mga siksikang kulungan. May ilan pa nga sa kanilang doon pa nahawa ng virus. Maaari namang magpiyansa ang mga nahuli pero saan naman sila kukuha ng pampiyansa gayong wala silang mapagkukunan noon ng kabuhayan? Natatandaan din ba ninyo ang nangyari sa mga pobreng tsuper na sumali sa isang kilos-protesta at agad na pinaghuhuli at ikinulong dahil daw sa paglabag sa utos ng pamahalaang manatili sa bahay? May isa ring tindero ng isda ang hinuli dahil sa lumabas siya upang maghanapbuhay. Nanatili siya sa kulungan nang labindalawang araw dahil bigo siyang makapaglagak agad ng piyansa.
Mahigpit at malupit ang ating pamahalaan sa mga karaniwang Pilipino para sa mga simpleng paglabag, habang ang mga maykaya at maimpluwensyang lumalabag din sa quarantine—katulad ng isang senador na lumabas ng bahay kahit pa positibo at isang hepe ng pulis na nag-birthday party kahit na ipinagbabawal noon ang mass gathering—ay nakakatakas sa kanilang pananagutan o kaya naman ay nabibigyan ng pagkakataong ipagtanggol ang kanilang sarili. Tunay ngang bagamat nasa iisang bagyo tayo, iba-iba ang mga bangkang ating kinalalagyan.
Mga Kapanalig, paalala nga sa Levitico 19:15, “Humatol kayo batay sa katuwiran.” At ang hinihingi ng katuwiran ay ang pagiging patas sa lahat ng pagkakataon. Sa huli, huwag lang natin ibunton ang ating pagkadismaya sa mga taong lumalabag sa mga patakaran. Tutukan din natin ang mga naatasang magtiyak na patas na naipatutupad ang batas.