1,313 total views
Ang Mabuting Balita, 25 Oktubre 2023 – Lucas 12: 39-48
NASA LAHAT NG DAKO
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kayo ma’y dapat humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Itinanong ni Pedro, “Panginoon, sinasabi po ba ninyo ang talinghagang ito para sa amin o para sa lahat?” Tumugon ang Panginoon, “Sino nga ang tapat at matalinong alipin? Hindi ba siya ang pamamahalain ng kanyang panginoon sa sambahayan nito, upang magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa karampatang panahon? Mapalad ang aliping iyon, kapag dinatnan siyang gumagawa ng gayun pagbabalik ng kanyang panginoon. Sinasabi ko sa inyo: pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. Ngunit kung sabihin sa sarili ng aliping iyon, ‘Matatagalan pa bago magbalik ang aking panginoon,’ at simulan niyang bugbugin ang ibang aliping lalaki at babae, at kumain, uminom, at maglasing, darating ang panginoon ng aliping yaon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong higpit na parurusahan siya ng panginoon, at isasama sa mga di-tapat. At ang aliping nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, ngunit hindi naghanda ni sumunod sa kalooban nito ay tatanggap ng mabigat na parusa. Ngunit ang aliping hindi nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon at gumawa ng mga bagay na nararapat niyang pagdusahan ay tatanggap ng magaang parusa. Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng maraming bagay; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin sa lalong maraming bagay.”
————
Mayroong kasabihan: “Kapag wala ang pusa, maglalaro ang mga daga,” ibig sabihin, kapag wala ang taong namamahala, ang mga nasasakupan ng kanyang awtoridad ay gumagawa ng kalokohan o mga bagay na hindi nila karaniwang gagawin kapag nariyan ang namamahala. Ngunit, kung ang taong namamahala ay ang Diyos na NASA LAHAT NG DAKO, paano natin maitatago ang ating mga kalokohan? Nakikita ng Diyos ang lahat kaya walang maaaring pagtaguan.
Bawat segundo ng ating buhay ay napakahalaga sapagkat paglipas nito, wala na ito. Mahalagang mabilang ang bawat segundo ng ating buhay sa pamamagitan ng pamumuhay ng nararapat. Si Jesus ay dumating sa mundo at ipinakita niya sa atin kung paano tayo dapat mamuhay. Tayo, na binyagang Kristiyano, ay hindi maaaring magsabi na hindi natin alam kung ano ang kalooban ng ating Panginoon sapagkat mayroon tayong Bibliya kung saan ang kanyang mga turo ay nakasulat. Siya ang namamahala na muling darating ng isang araw at oras na hindi natin alam at inaasahan. Ang tanging maaasahan natin ay isa sa dalawang ito: ang maging mapalad, o buong higpit na parurusahan.
Panginoong Jesus, turuan mo kaming maging tapat sa Diyos ng lubos-lubusan!