340 total views
Naniniwala ang isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na hindi ang batas ang problema sa paglaya ng mga bilanggo na nakagawa ng heinous crime kungdi sa mga taong nagpapatupad nito.
Ayon kay Rev. Father Jerome Secillano – Executive Secretary ng CBCP – Permanent Committee on Public Affairs, hindi ang batas na Republic Act (RA) 10592 o ang conditional expanded Good Conduct Time Allowance ang problema sa kontrobersyal na pagpapalaya sa mga bilanggo sa halip ay ang mga opisyal na naatasang ipatupad ito.
Paliwanag ng Pari, naaangkop lamang na bigyan ng pangalawang pagkakataon ang lahat ng mga nagkasala matapos mapagdusahan ang kanilang nagawang kasalanan ngunit dapat na matiyak na ang pagpapalaya sa mga ito ay nauukol sa sinasabi ng batas.
“Ang problema ay hindi sa batas kung di sa mga taong naatasan na mag-implementa nito. Tama na bigyan ng pagkakataon ang mga nag-kasala. Maaaring sila ay nagsisi at handa na ring magbagong-buhay. Ngunit ang pagpapalaya sa kanila ay dapat ukol sa sinasabi ng batas.” pahayag ni Fr. Secillano sa Radyo Veritas.
Iginiit ng Pari na dapat na matukoy at mapanagot ang nasa likod ng pagpapalaya sa mga bilanggo ng hindi naayon sa batas sapagkat isang uri ito ng katiwalian at pagtataksil sa tiwala ng bayan.
Binigyang diin rin ni Fr. Secillano na isang hamon para sa kasalukuyang administrasyon na mapatunayan ang paninindigan nito sa tama at sa katotohanan kaugnay sa nasabing usabing usapin.
“Isang uri ng katiwalian na palayain ang isang bilanggo na hindi ayon sa batas. Dapat papanagutin kung sino man ang may gawa nito. Dapat patunayan ng gobyernong ito ang pagpanig sa tama at at pagiging makatwiran.” Dagdag pa ni Fr. Jerome Secillano.
Ang Republic Act (RA) 1-0-5-9-2 o ang conditional expanded Good Conduct Time Allowance (GCTA) ay naglalayong mapalaya ang mga bilanggo na nakapagpakita ng good behavior sa loob ng bilangguan.
Gayunpaman batay sa tala ng Bureau of Corrections (BuCor) mula taong 2013 matapos na maisabatas ang GCTA ay umabot na sa 22,049 ang mga bilanggong napalaya sa ilalim ng nasabing batas kung saan 1,914 dito ay nakagawa ng heinous crimes na hindi saklaw ng batas.
Nasasaad sa panlipunang turo ng Simbahang Katolika ang pagbibilanggo ay hindi lamang para parusahan ang mga taong lumalabag sa batas sa halip ay upang mapaghilom ang pagkasirang tinamo ng mga nagkasala.
Naunang hinamon ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care ang taumbayan na bantayan ang proseso ng pagpapalaya sa mga nagawa ng heinous crime.
Read: Mamamayang Filipino, hinamon ng CBCP na bantayan ang mga bilanggong pinalalaya ng BuCor