935 total views
Nasa likod ng pambabastos sa mga preso sa Cebu, parusahan.
Mariing kinondena ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Prison Pastoral Care ang pagpapahubad sa mga preso ng Cebu Provincial Jail dahil sa “search in operation” ng Philippine Drug Enforcement Agency o P-D-E-A sa iligal drugs sa loob ng piitan.
Iginiit ni Rudy Diamante, executive secretary ng komisyon na labag sa karapatang-pantao at privacy ng mga bilanggo ang ginawa ng mga otoridad na hubaran ng damit ang mga ito sa harapan ng media.
“Di pupuwedeng tawaging S-O-P nila yun, SOP nila ay mag-check pero hindi ganun yung manner, di pupuwedeng standard operational procedure nila ang mag-violate ng dignity ng tao. Hindi katanggap-tanggap ang ginawa nila. SOP nila to respect the dignity and rights of the human person.Dapat kasuhan ang mga gumawa.”pahayag ni Diamante sa Radio Veritas
Kaugnay nito, nanawagan si Diamante sa Commission on Human Rights na imbestigahan at papanagutin sa batas ang mga nag-utos ng kabastusang ginawa sa Cebu inmates.
“We condemned this lack of respect on the dignity of human person and the violation of the human rights. We are calling on the commission on human rights to hold in to account the one who authorized it and the one who did it.”panawagan ni Diamante
Binigyan-diin ni Diamante na noon pa ay binalewala na ang karapatang-pantao ng mga preso sa Cebu matapos silang gamitin at pagkakakitaan ng sumikat sa “Youtube” ang Cebu dancing inmates.
Sinabi ni Diamante na hindi maituturing na restorative justice ang paggamit sa mga preso para kumita.(Riza Mendoza)