811 total views
Minsan, nananalangin si Jesus. Pagkatapos niya, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, katulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.”
Sinabi ni Jesus, “Kung kayo’y mananalangin, ganito ang sabihin ninyo:
‘Ama, sambahin nawa ang pangalan mo.
Magsimula na sana ang iyong paghahari.
Bigyan mo kami ng aming makakain
sa araw-araw.
At patawarin mo kami
sa aming mga kasalanan,
sapagkat pinatatawad namin ang bawat
nagkasala sa amin.
At huwag mo kaming iharap sa
mahigpit na pagsubok.’”
————-
Noong itinuro ni Jesus ang panalangin na ito na ngayo’y tinatawag nating AMA NAMIN, ibinigay niya sa atin ang karapatang tawagin ang Diyos, na ating Ama at hingin sa kanya ang ating mga pangangailangan. Bagama’t hindi pa siya nagdaan sa kanyang sakit, pagkamatay at muling pagkabuhay, inampon na niya tayo sa Pamilya ng Diyos sapagkat natitiyak niya na ang plano ng kaligtasan para sa sangkatauhan ay mangyayari at magtatagumpay. Kaya’t isinama na niya sa panalangin ang kahalagahan ng pagbabalik-loob sa Diyos at kapwa.
Tunay na tayo ay PAG-AARI NG DIYOS at hindi ninuman. Kapag tayo ay pasulong sa Diyos, tiyak na tayo ay NASA MABUTING KAMAY. Tulad ng sabi ni Sta. Teresita ng Avila, “Solo Dios Basta!” Sa Tagalog, “Sapat na ang Diyos!”
Panginoong Jesus, pinasasalamatan ka namin sa pagturo mo ng dasal na ito. Nawa’y tuwing dinarasal namin ito, madama namin ang pagiging kaisa ng Ama!