4 total views
Binigyang-diin ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pangangailangan ng bansa para sa mahusay na pamumuno at pagsusulong ng pananagutan upang mapangalagaan ang kapakanan ng sambayanang Pilipino.
Ayon kay Caritas Philippines vice president, San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, ang patuloy na suliranin ng bansa ay nakaugat sa hindi mabuwag na political dynasties at malawakang korapsyon.
Sinabi ng obispo na hindi natututo ang bansa dahil sa paulit-ulit na paghalal sa mga lider na hindi ginagampanan nang wasto ang tungkulin, kaya ang resulta’y kawalan ng epektibong pagtugon sa mga suliranin lalo na sa usapin ng sakuna at kalamidad.
Ginawa ni Bishop Alminaza ang pahayag sa media briefing kaugnay ng kanyang pakikibahagi bilang kinatawan ng Simbahang Katolika ng Pilipinas sa 29th United Nations Climate Change Conference of Parties (COP29) Summit na ginaganap sa Baku City, Azerbaijan.
“Kaya nga tayo, if you remember, nagsampa na tayo ng disqualification case laban sa mga political dynasty. Kasi ang problema ay nasa leadership din. Kung sino ‘yung binoboto natin, sino ‘yung gumagawa ay palagi na lang hindi tayo natututo… Ang problema ang mga voters, hindi natin masisisi pero ganoon pa rin, madaling madala sa pera e. Tapos ang corruption sa government, matindi talaga,” paliwanag ni Bishop Alminaza.
Binatikos din ng obispo ang pamahalaan dahil sa mga proyekto, tulad ng flood control, na bilyon-bilyon na ang ginastos ngunit hindi napapakinabangan nang maayos.
Dagdag pa ni Bishop Alminaza ang pagkakaroon ng mababang kalidad ng mga trabaho, serbisyo, at programa sa bansa, na madalas nagiging sanhi ng hindi epektibong pagtugon sa mga suliranin sa lipunan.
Kaya naman hinikayat ng opisyal ng CBCP ang sama-samang pagpapahayag ng tinig ng taumbayan upang ipakita ang pagkadismaya at pagtutol sa kasalukuyang sitwasyon ng lipunan, at humingi ng pananagutan at pagbabago sa mga nasa katungkulan.
“Kaya kung may nakikita tayong problema, mag-ingay talaga tayo at mag-organize din para magkaroon ng sama-samang boses na nagsasabing ‘ayaw na namin ng ganito, tama na ‘yan’,” saad ni Bishop Alminaza.
Una nang inihayag ni Bishop Alminaza, na siya ring National Convenor ng Laudato Si’ Convergence National hub, na ang kanyang pagdalo sa COP29 Summit ay pagpapakita ng pangako at paninindigan ng Simbahang Katolika ng Pilipinas na kumilos para sa katarungang ekolohikal at harapin ang epekto ng krisis sa klima.