230 total views
Muling nanawagan si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP)–Episcopal Commission on the Laity sa pamahalaan na soluyunan ang pangangailangan ng mga mangingisda, hog raisers at mga magsasaka na apektado at maaapektuhan pa ng El Nino phenomenon.
Ayon kay Bishop Pabillo sa bilyon–bilyong pisong pondo na inilalaan ng pamahalaan para sa calamity fund sa El Nino ay hindi pa rin ramdam ng mga magsasaka, mangingisda at at mga nag-aalaga ng mga hayop ang tulong mula sa gobyerno.
Nangangamba rin ang obispo na mangyari sa mga mangingida ang nangyaring insidente sa mga Kidapawan Farmers dahil lamang sa gutom.
“Damay–damay yan at naghihintay na rin tayo niyan ng La Nina rin kaya nga natin gamitin yung sa disaster natin dahil may disaster fund naman tayo calamity fund na dapat ay ibigay na sa kanila. Dito ipinapakita sa atin ang kakulangan ng kahandaan ng pamahalaan para sa mga mahihirap. Ang El Nino gayundin ang El Nina hindi yan mga bagay na dumarating pabigla–bigla. Tulad ng El Nino yan ay matagal ng nai–forecast alam na natin ang mangyayari,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Panawagan pa ng Obispo na agaran nawang bigyang katugunan ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda tulad ng pagkain at alternatibong mapagkakakitaan.
“Malaki yung pangangailangan nila kaya yung support ng pagkain kung kailangan nila ng pagkain kaya bigyan yan ng support ng pagkain tapos hanapbuhay. At kung kailangan nila ng cash for work o food for work na agad na naibibigay sa kanila. Maghanap ng paraan upang matulungan yung mga taong nagdurusa na hindi nakakapunta sa regular na trabaho nila dahil nga sa climate change,” giit pa ni Pabillo sa Veritas Patrol.
Sa tantya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR nasa 20 hanggang 23 percent ang maaring mabawas sa huli ng isda dahil sa El Nino.
Nasa 1 libong mangingisda rin mula sa 78 probinsya ang posibleng maapektuhan karamihan sa mga ito ay nangingisda mula sa water font at cages.