611 total views
Mga Kapanalig, nakagawian nang magsagawa ng assessment o pagtatasa ng nagawa o accomplishments ng isang bagong administrasyon sa loob ng unang 100 araw nito. Matapos umani ng pinakamaraming boto noong nakaraang halalan, iniluklok noong Hunyo si Ginoong Rodrigo Duterte bilang ika-16 na pangulo ng Pilipinas, at noong Biyernes nga ang ika-100 araw niya bilang pinakamakapangyarihang tao sa ating bansa.
Marahil, marami na tayong napanood, narinig, o nabasang assessment sa media kung saan binabalikan ang mga ipinangako ni Pangulong Duterte noong kampanya at ang mga naisakatuparan niya sa loob ng 100 araw. Sa kabila ng maraming nasimulan ng administrasyon, at gaya ng inaasahan, ang inilunsad niyang digmaan laban sa iligal na droga o “war on drugs” ang naging pangunahing paksa ng mga pagtatasa.
Sentro ng plataporma ni Pangulong Duterte noong kampanya ang pagsugpo sa aniya’y lumalalang kriminalidad at lumalaganap na droga sa ating bayan. Sabi ng kanyang running mate sa pagkabise-presidente, itaga raw natin sa bato na sa loob ng 6 na buwan, malulutas ang mga problemang ito.
Kontrobersyal ang naging pagtugon ng pamahalaan sa problema ng masamang droga. Oplan Tokhang ang naging bansag sa pamamaraan ng kapulisan upang hanapin at tugisin ang mga sinasabing nagtutulak at gumagamit ng droga. Ayon sa Philippine National Police o PNP, halos isa’t kalahating milyong bahay na ang kanilang kinatok upang anyayahang maimbestigahan ang mga sinasabing sangkot sa pagdodroga. Sa bilang ng mga sumuko, umabot na raw sa halos 700,000 ang umaming drug user habang hindi bababa sa 50,000 ang kumantang sila ay drug pusher. Batay sa talaan ng PNP, mula Hulyo hanggang sa matapos ang Setyembre, lampas na sa 1,300 kataong nanlaban umano ang napatay sa
kanilang kaliwa’t kanang operasyon ng mga pulis, samantalang halos 22,000 naman ang inaresto.
Ito ang mga bilang na binabanggit ng ilan sa pamahalaan at mga taga-suporta ng pangulo upang sabihing tagumpay ang kampanya kontra droga. Ito rin ang mga estatistikang magpapatunay umano na ligtas na ang pakiramdam ng mga mamamayan. (Kayo, mga Kapanalig, mas ligtas na ba ang inyong pakiramdam ngayon?) Wala pang pahayag ang pangulo tungkol sa kinalabasan ng kanyang kampanya laban sa droga, maliban sa kanyang paghirit ng 6 na buwang extension upang tapusin ang problema ng masamang droga.
Ano ang malinaw na ipinakikita ng mga datos na ito? Una, marami ang sumuko dahil sa takot na sila ay mapatay. Maliban sa bilang ng mga napapatay ng mga pulis sa kanilang operasyon, marami ring pagpatay sa mga pinaghihinalaang sangkot sa droga ay gawa ng mga hindi nakikilalang suspek o vigilante, ngunit parang wala tayong naririnig tungkol sa mga kasong iniimbestigahan at nalutas. Ikalawa, dahil sa dami ng sumuko at nahuli, naging mas siksikan pa ang ating mga piitan, at tunay namang kalunos-lunos po ang kalagayan ng mga bilanggo. Ikatlo, maraming pamilya ang nawalan ng mahal sa buhay at mga anak na nawalan ng magulang.
Ngunit ang mas nakababahala sa likod ng mga bilang na ito ay ang mistulang pananahimik ng publiko sa mga pagpatay at ang hindi pag-alma ng marami sa kawalan ng tamang proseso o due process. At sa pagsasawalambahala sa buhay ng mga napapatay na suspek, sa pagsasabing ang mga drug addict at drug pusher ay nararapat lamang na mawala sa lipunan, sinasalungat po natin ang dignidad ng tao, ang dignidad na mula sa Diyos na lumikha sa ating lahat.
Mga Kapanalig, mainam na tugunan ang kriminalidad at epekto ng droga sa ating lipunan. Subalit nakakabahalang isipin na sa loob ng mahigit tatlong buwan, tila ba hinahayaan nating maging kapalit nito ang ating kakayahang makipagkapwa at magmalasakit. Nananalangin pa rin tayo na hindi ito ang magiging tatak ng administrasyon sa nalalabing lima’t kalahating taong termino nito.
Sumainyo ang katotohanan.