883 total views
Mga Kapanalig, habang nananalasa sa maraming lugar sa ating bansa ang Bagyong Paeng noong katapusan ng Oktubre, may mga nagtatanong, lalo na sa social media: nasaan ang pangulo?
Bago pa man tumama sa kalupaan ang bagyo, nagdala na ito ng matinding pinsala sa iba’t ibang lugar sa Visayas at Mindanao na hindi naman isinailalim sa alinmang typhoon warning signal. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, umabot na sa 112 ang mga naitalang namatay. Mahigit kalahati sa mga biktima ay mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. Namatay sila sa rumasagasang baha at pagguho ng lupa. May ilang hindi pa rin natatagpuan. Sa lawak ng pinsalang iniwan ng Bagyong Paeng, inirekomenda ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (o NDRRMC) na isailalim ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr ang bansa sa national state of calamity. Hindi ito sinang-ayunan ng pangulo.
Pero nasaan nga ba ang ating mga lider—lalo na ang pangulo—sa kalagitnaan ng kalamidad?
May mga haka-haka noong wala sa Pilipinas ang presidente. May mga nagsasabing siya ay nasa Japan, Singapore, o Australia. May mga biro pa ngang naunahan niya ang bagyong lumabas ng Philippine Area of Responsibility. Sa isang briefing ng NDRRMC, kausap ng pangulo ang mga pinuno ng iba’t ibang ahensya sa pamamagitan ng Zoom. Kung nasa Pilipinas siya, siguro naman ay madali sa kanyang tumungo sa NDRRMC katulad ng ginawa ng mga miyembro ng kanyang gabinete. At upang pabulaanan ang mga tsismis na nasa ibang bansa ang presidente, naglabas ang opisina niya ng mga larawan kung saan makikitang kumakain si PBBM sa isang karinderya sa Ilocos Norte.
Ang mas mahalagang tanong, bakit ba natin dapat hanapin ang presidente?
Bilang ama ng bansa, tungkulin ng pangulong ipakitang handa ang pamahalaan sa anumang kakaharapin ng bayan sa gitna ng bagyo. Dapat niyang tiyakin sa ating gagawin at ginagawa ng gobyerno ang lahat upang paghandaan ang bagyo at na kikilos ito agad-agad upang tugunan ang pangangailangan ng mga maapektuhan. On top of the situation, ‘ika nga. Hindi niya mapipigilan ang pagtama ng bagyo—hindi siya superhero at hindi siya Diyos—ngunit malaking bagay ang pagtiyak na nariyan ang gobyerno upang kumalma tayo sa ating pagkaligaglig.
Gaya ng inaasahan, ipinagtanggol si PBBM ng kanyang mga loyalists at supporters. Hindi raw nila hinahanap ang pangulo dahil sila mismo ang kusang tumutulong sa mga nasalanta. Sa halip na magreklamo, sila na raw ang naghahanap ng paraan upang saklolohan ang mga nasalanta. Walang masama sa pagbabayanihan; isa nga itong mabuting katangian ng mga Pilipino. Ngunit kung ganito naman pala at walang inaasahan mula sa ating mga lider, para saan pa at mayroon tayong gobyerno? Bakit pa tayo nag-e-eleksyon at pumipili ng mga lider na hindi naman mahahagilap sa oras ng pangangailangan?
Sa Catholic social teaching na Rerum Novarum, sinasabing ang mga namumuno ay dapat na laging pinangangalagaan ang bayan at ang lahat ng bumubuo nito. Ang pagtiyak sa kapakanan ng taumbayan ang pangunahing dahilan kung bakit may gobyerno. Sa panahon ng kalamidad, hindi maaaring umasa ang mga mamamayan sa pagkakawanggawa ng isa’t isa o sa tulong ng mga pribadong indibidwal at organisasyon. Katulad ng ipinapaalala sa mga apostol sa Mga Gawa 20:28, dapat na ingatan ang kawang inilagay sa kanilang pangangasiwa; angkop na angkop ang mga salitang ito sa mga lider ng bayan.
Mga Kapanalig, hindi pang-iintriga at hindi paninira ang paghahanap sa ating mga lider sa panahon ng kagipitan at sa gitna ng kalamidad. Tungkulin natin iyon bilang mga mamamayang naglukluok sa mga tinatawag nating lingkod-bayan. At tungkulin naman ng gobyernong maging tapat at bukás sa taumbayan lalo na’t napakasimple lang naman ng tanong na “nasaan ang pangulo?”