597 total views
Homiliya Para sa Ika-28 Linggo ng Karaniwang Panahon, 09 Oktubre 2022, Lukas 17:11-19
Sampung ketongin daw ang pinagaling ni Hesus. Bumalik ang isa para magpasalamat. At tinanong ni Hesus, “Nasaan ang siyam?”
Parang pamilyar ang ganitong tanong tungkol sa nawawala na hinahanap. Pero baligtad ang kuwento ng ebanghelyo natin ngayon. Doon sa talinghaga ng nawawalang tupa, di ba ang kuwento ay tungkol sa isang pastol na may alagang isandaang tupa? Binilang siguro niya ang alaga niyang bumalik sa kuwadra. At nang 99 lang ang nabilang niya, ang tanong ay “Nasaan ang isa?” Kaya iniwan ang 99 para hanapin ang isang nawawala.
Doon naman sa isa pang talinghaga, isang babae daw ang may sampung salaping pilak. Nang bilangin niyang muli, siyam na lang. Ang tanong ay, “Nasaan ang isa?” Kaya iniwan daw ang siyam para hanapin ang isang nawawala.
Dito sa kuwento ng sampung ketongin, sampu ang gumaling, isa ang bumalik at ang tanong ni Hesus ay “Nasaan ang siyam?” May kasunod na isa pang tanong, “Wala bang bumalik para magpasalamat kundi ang dayuhang ito?”
Parang ganito rin ang naitanong natin sa Simbahang Katolika pagkatapos ng ating synodal consultation at nasanay tayo sa diwa ng synodality na ang ibig sabihin ay sama-samang naglalakbay. Parang nabigla tayo sa pagkamulat na kahit parang marami pa rin ang nagsisimba sa ating mga parokya, halos 10 porsiyento lang pala ang inaabot natin sa mga binyagang Katoliko. Nasaan ang nobenta porsiyento?
Ayon sa kuwentong narinig sa kuwento ni San Lukas (na wala sa ibang mga ebanghelyo), magkakasama ang sampung ketongin nang makatagpo nila si Hesus at nagmakaawa na pagalingin sila sa kanilang sakit. Hindi lang sila sama-samang naglakbay at dumulog kay Hesus. Sabay-sabay pa nga raw silang sumigaw na parang chorus sa isang Greek drama. Sa panahon ng sakit, magkakasama sila. Pero nang gumaling, nagkahiwalay na sila. Kaya minabuti kong itutok ang reflection natin ngayong umaga, una, tungkol sa mga bagay na naghihiwalay sa atin, at ikalawa, tungkol mga bagay na nagiging daan upang tayo’y magkasama-sama.
Ano ang karaniwang dahilan kung bakit tayo’y nagkakahiwalay ng landas? Madalas may kinalaman ang mga ito sa ating mga pagkakaiba. Halimbawa, pagkakaiba ng kultura, relihiyon, kulay, pulitika, estadong pangkabuhayan, atbp. Sa hindi natin namamalayan, may dala-dala tayong mga haka-haka o mga paunang hatol, lalo na tungkol sa mga taong “iba sa atin”.
Di ba, kaya tayo nagsasalamin ay para mas luminaw ang ating paningin? Meron din palang klase ng salamin na hindi nagpapalinaw kundi nagpapalabo o kumukulay sa ating nakikita tungkol sa iba. Parang salamin din ang marami sa ating mga nakagisnan na pala-palagay o haka-haka.
Ang bayang Israel, isang bansa lang sila noong mga panahon nina Haring Saul, David at Solomon. Pero nahati sila sa dalawang bansa pagkatapos ni Solomon: ang Northern Kingdom na ang capital ay Samaria, at ang Southern Kingdom na ang capital ay Jerusalem. Noon nagsimula na ang pagkakaiba ng taga-Samaria at mga taga-Judea. Noong una ang paghihiwalay ng dalawang bansa ay usapin lang ng teritoryo. Kahit magkaiba ng lugar na sinasambahan, iisang Diyos pa rin ang sinasamba. Pero sa kalaunan, naging usapin na rin ng pagkakaiba ng pananampalataya.
Ito ang background para maintindihan ang paksa ng pakikipag-usap ni Hesus at ng babaeng Samaritana sa may balon, ayon sa ebanghelyo ni San Juan. “Bakit kita paiinumin? Hindi ba madumi ang turing ninyo sa amin?” Parang ganito ang reaksyon ng babae nang nakiiom si Hesus. Ito rin ang background kung bakit sa isa pang kuwento, si Hesus at ang kanyang mga disipulo ay ayaw paraanin ng mga taga-Samaria. Alam kasi ng mga Samaritano na patungo sila sa Jerusalem para sumamba sa templo.
Nang sakupin ang norte ng Assyria, in-exile ang mga edukado at mga sundalo. Ang iniwan ay ang mga manggagawa sa lupa na tinawag sa Hebreo na AM HA’ ARETZ, ibig sabihin, “mga nagbubungkal ng lupa.” Parang hawig ito sa salitang Tagalog na “hampaslupa”—mga taong tinitingnan na mababa ang uri, minamaliit dahil napuputikan ang paa.
Hindi madali na mapagkaisa ang mga taong masyadong marami ang mga pagkakaiba. Walang magaganap na pakikipagkapwa, walang komunidad na mabubuoo hangga’t hindi sila matutong rumespeto sa isa’t isa, hangga’t hindi nila kayang tanggapin o lampasan ang kanilang mga pagkakaiba.
Kaya kapag may humihiwalay sa pamilya o sa komunidad, importanteng ang magtanong ng “Nasaan ang iba?” Mas mabuti na ang hanapin sila kaysa masanay na wala sila. Di ba’t noong pinatay ni Cain ang kapatid niyang si Abel ang Diyos pa ang nagtanong sa kanya, “Nasaan ang iyong kapatid?”
Sa ating ebanghelyo, kaya nagkasama ang sampu, Samaritano man o Hudyo ay dahil pare-pareho naman sila ng dinaranas na sakit at pare-pareho din silang tinuturing na madumi. Pinagkaisa sila ng karamdaman at ng masaklap na karanasan ng pandidiri ng tao sa kanila. Totoo naman, sa gitna ng hirap na dulot ng karukhaan lalo na sa panahon ng mga kalamidad, mas madaling magkaisa ang mga tao. Noong pumutok ang bulkang Pinatubo, nagkasama-sama sa iisang evacuation center ang mayaman at mahirap, edukado at hindi edukado, Katoliko at hindi Katoliko. Sa panahon ng sigalot, natututo ang tao na ituring ang iba bilang kapwa-tao, lalo na kung pareho naman sila ng pinagdadaanan. Hindi na nagtatanong ng relihiyon, lahi, pulitika, o social background.
Ganyan din naman ang naging daan ng pagkakaisa ng mga probinsiya at rehiyon ng Pilipinas noong nangyari ang rebolusyon laban sa Espanya. Kahit magkakaibang kultura at salita, pinagkaisa ang ating mga ninuno ng iisang layunin na magkamit ng kalayaan. Nagkaisa ang dating minamaliit at tinatawag na Indio o Katutubo ng mga Kastila. Filipino ang pinagkaisahan nilang angkinin bilang pagkakakilanlan sa kanilang pagbubuo ng isang malayang bansa.
Kung ang mga masamang karanasan ay puwedeng magbunsod sa mabuti, hindi ba ito magandang paliwanag sa mga nagtatanong, “Bakit kaya hinayaan ng Diyos na dumanas ang tao ng mga masamang pagyayari sa buhay?“ Ganito nga ang sabi ni Santo Tomas de Aquino, “Hinahayaan ng Diyos kapag ito ay magbubunsod ng higit na kabutihan.”
Kung napagkakaisa tayo ng mga karanasan ng hirap at pagsubok, hindi kaya dapat mas lalo tayong pagkaisahan ng karanasan ng pagpapala? Kaya siguro tinatanong ni Hesus, “Nasaan ang siyam?” Mas higit na matibay ang pagsasama ng mga taong pinagkaisa hindi lang ng pagsubok at paghihirap kundi pinagkaisa rin ng pasasalamat, ng pagtanaw ng biyaya, ng paggunita sa mga pagpapalang natatanggap sa buhay katulad ng ginagawa natin sa bawat Eukaristiya, na ang kahulugan ay PASASALAMAT.
At hindi ba ganito ang dasal ng ikinakasal: “Ipagkaloob mo po Panginoon na kami’y magkaisa ng puso at kaluluwa mula sa araw na ito, sa hirap at ginhawa, sa yaman at dalita, sa karamdaman at kalusugan hanggang sa kami’y paghiwalayin ng kamatayan.”