160 total views
Mga Kapanalig, tunay na nakapanghihina ng loob ang patuloy na pagdami ng mga nagpopositibo at namamatay sa Covid-19 mula nang kumalat ang mas nakahahawang Delta variant. Mabigat sa pusong malamang kabilang sa mga nagpositibo sa sakit ay ang mga relihiyosong nasa mga seminaryo at kumbento.
Ang Congregation of the Religious of the Virgin Mary ay nawalan ng walong madreng edad 80 pataas dahil sa Covid-19. Kabilang sila sa 62 madreng nagpositibo, hiwalay pa ang 52 staff at personnel na nahawa rin. Taliwas sa mga kumakalat na tsismis na ang outbreak ay bunga ang pagtanggi ng mga madreng magpabakuna, kumalat ang virus sa kumbento kahit pa karamihan sa mga madre at kawani ay nabakunahan na. Ang mga namatay na madre ay hindi pa nabakunahan dahil na rin sa kanilang karamdaman ngunit nakatakda pa rin silang bakunahan. Naunahan lamang sila ng nakamamatay na virus. Sinasabing nagmula ang virus sa isang bisitang asymptomatic.
Isa pang religious congregation na nakaranas ng pagdami ng kaso ng Covid-19 ay ang Holy Spirit Sisters. Umabot sa 22 ang mga kasong naitala sa Convent of the Holy Spirit—13 madre at 9 na staff members. Isa sa mga madre ang pumanaw. Pinaniniwalaan ding isang asymptomatic na bisita ang nakahawa sa mga madre. Ini-lockdown din ang isang retirement home sa Christ the King Seminary dito sa Quezon City matapos magpositibo sa Covid-19 ang siyam na pari at 16 na kawani. Isang pari ang binawian ng buhay. Nagkaroon din ng outbreak sa Stella Maris Convent. Labintatlong madre ang nagpositibo sa swab test.
Maituturing na high-risk ang mga pasilidad na pinatatakbo ng religious congregations dahil sa mga ito nakatira ang mga may edad nang pari at madre. Kasabay ng tulong ng lokal na pamahalaan sa kanila, makatutulong din ang ating mga dasal para sa lubusang paggaling ng mga maysakit at para sa katatagan ng kanilang loob sa pagharap sa pagsubok na ito.
Nakadadagdag sa bigat sa kaloobang hatid ng mga pangyayaring ito ay ang mga balita pa rin tungkol sa hindi maayos na pangangasiwa ng pamahalaan sa pangkalusugang krisis na ito. Lumabas sa pagdinig sa Senado noong isang linggo na expired na ang halos 8,000 test kits na binili ng DOH. Aabot sa 550 milyong piso ang halaga ng mga ito. Magagamit sana ang mga test kits sa pagsasagawa ng mahigit 370,000 na Covid-19 tests. Malaking bagay iyon para maagapan ang pagkalat ng virus. Ilang buhay din ang maaaring naisalba ng mga tests na iyon kung nagamit bago ma-expire. Isa lamang ito sa mga masasabing pagpapabaya at pag-aaksaya ng mga taong pinagkatiwalaan nating tugunan ang pandemya.
Malapit na ang pangalawang Pasko na naka-lockdown pa rin ang maraming lugar sa bansa, nakasara pa rin ang mga paaralan at maraming negosyo, at balót pa rin tayo ng takot at pangamba. Ngunit gaya nga ng laging sinasabi ng inyong lingkod, “habang buhay may pag-asa.” At sana ay makaaninag tayo ng pag-asa mula sa ating mga pinuno. Sabi nga sa mga panlipunang turo ng Simbahan, ang pamahalaan ay ang pamamaraan ng lipunan upang kumilos nang magkakasama upang pangalagaan at itaguyod ang ating mga pinahahalagahan. Unang-una nating pinahahalagahan ang buhay ng tao, at ito rin sana ang tunay na prayoridad ng ating mga lider. Sa kasalukuyang pangkalusugang krisis na kinakaharap natin, buhay ng tao ang nakasalalay—buhay ng mga relihiyoso at laiko, buhay ng mga matatanda at bata, buhay ng nakaririwasa at dukha.
Mga Kapanalig, sa harap ng mga nakalulungkot at nakagagalit na mga balita, mapanghawakan sana natin ang mga Salita ng Diyos sa Roma 12:12: “Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian, at palaging manalangin.”