372 total views
Nagpaabot ng panalangin at pakikiramay ang social arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pamilya Aquino kasunod ng pagpanaw ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Ayon kay Diocese of Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – National Director ng NASSA / Caritas Philippines, kabilang sa naging kapansin-pansin sa ilalim ng pamamahala ni dating Pangulong Noynoy Aquino na nakilala bilang “PNoy” ang higit na paglapit ng pamahalaan sa mga mamamayan.
Tinukoy din ni Bishop Bagaforo ang pagpapamalas ng transparency at accountability sa pamamahala sa bansa. Tiniyak naman ng Obispo ang pag-aalay ng panalangin para sa namayapang 61-taong gulang na dating pangulo ng bansa at mga naiwang kaanak nito.
“Our condolences to the Aquino family for the passing of former President Noynoy Aquino. We remember him for his governance of bringing the government closer to the people. His tenure in office exemplified transparency and accountability in governance. We are saddened with his passing. I shall offer a mass for him and prayers.” pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas.
Si dating Pangulong Noynoy Aquino ang ika-15 Pangulong ng Pilipinas na nanungkulan mula noong June 30, 2010 kasunod ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo hanggang June 30, 2016 na siya namang sinundan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa ilalim ng kanyang platapormang “Daang Matuwid” ay kabilang sa mga tinutukan ng administrasyong Aquino ay ang pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa kung saan sa ilalim ng kanyang termino ay lumago ng 6.0-percent ang naging average annual economic growth ng bansa na pinakamataas na mula noong 1970s.
Samantala kabilang sa mga kontrobersiyang naganap sa ilalim ng Aquino administration ay ang Mamasapano encounter kung saan 44 na kawani ng Special Action Forces ang nasawi; ang impeachment ni Chief Justice Renato Corona; at ang kontrobersyal na pagtugon ng pamahalaan sa pananalasa ng Super Typhoon Yolanda noong 2013.
Umaga ng Huwebes ika-24 ng Hunyo, 2021 ng isinugod sa Capitol Medical Center sa Quezon City ang dating Pangulong Aquino dahil sa hindi pa malamang dahilan at kalaunan ay kinumpirmang namayapa na ng ilan sa mga malalapit sa pamilya Aquino.