314 total views
Binisita ni Cebu Archbishop Jose Palma ang mga residente ng Alaska, Mambaling sa Cebu maging ang mga pamilyang nasunugan.
Ayon kay Fe Barino, Chairperson ng Cebu Archdiocesan Commission on the Laity, ito ang isa sa paraan ni Archbishop Palma nang pagdiriwang ng pasko, ang pagdamay sa mga komunidad na higit nangangailangan.
Sinabi ni Barino, nais ding makita ng Arsobispo ang kalagayan ng mga nasunugan sa lugar lalo na’t ipinagdiriwang ang pasko.
Dinalaw din ni Archbishop Palma ang ilang Feeding Stations ng Arkidiyosesis upang makapiling ang mga mananampalataya at maging ang mga volunteer na katuwang sa programa ng Simbahan.
“Bumisita rin si Archbishop Palma sa 4 out of 8 Feeding Stations natin na pinangasiwaan ng Commission on the Laity,” pahayag ni Barino sa Radio Veritas.
Pinangunahan din ni Archbishop Palma ang pamamahagi ng pagkain at mga laruan sa mga bata at pagbibigay ng sakramento sa mga may karamdaman na kasalukuyang nasa evacuation centers.
“In the evacuation center, a sick paralytic received sacrament of reconciliation and anointing of the sick,” ani Barino.
Ibinahagi pa ni Barino na ang proyektong Feeding Stations ng Layko Cebu ay inilunsad nang magsimula ang pandemya noong Marso 2020.
Pinasalamatan ni Barino ang lahat ng sumuporta at tumulong sa programa ng simbahan sa kapakinabangan at nagbibigay ng pag-asa lalo na sa mga maralitang komunidad.