741 total views
Umaapela ng panalangin at tulong ang Our Lady of Peace and Good Voyage Parish para sa mga naapektuhan ng sunog sa Parola Compound, Tondo Maynila.
Ayon kay Rev. Fr. Jorge Peligro, kura-paroko ng OLPGV, ilang mga pamilya ang nananatili ngayon sa kanilang parokya at kanilang binibigyan ng pagkain at iba pang pangangailangan habang ang ilan ay nanatili sa mga malapit na evacuation center.
Kasalukuyan din aniyang nag-iikot ang mga volunteers ng Simbahan para malaman ang iba pang impormasyon sa naganap na sunog bagamat ang iba sa mga ito ay naapektuhan din.
Sinabi ni Fr. Peligro na kumikilos na sila ngayon para makatulong sa mga apektadong pamilya at bukas sila sa anumang tulong na maibabahagi ng mga may mabututing kalooban.
“Nakita ko naman na marami talaga nabiktima itong sunog maari po lamang na buksan natin ang ating mga puso at tumulong tayo sa mga nangangailangan, sa mga biktima. Sa ngayon yung mga normal na pangangailangan ay mga pagkain, mga damit, mga puwede nila gamitin para makatawid sa problema nila ngayon. Lahat po tayo manalangin, magdasal na sana malampasan nila ang problema na ito.” pahayag ni Fr. Peligro sa panayam ng Veritas 846.
Kaugnay nito inaasahang naman ang pagtugon ng Caritas Manila at Simbahang ng Quiapo sa mga naapektuhan ng sunog sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga relief packs, hygiene kits at pagpapakain sa mga nasunugang residente.
Tinatayang aabot sa 3 libong pamilya o mahigit sa 6 na libong indibidwal ang naapektuhan ng nasabing sunog na tumagal ng halos sampung oras.
Taliwas sa mga naglalabasang ulat, ang Simbahan ay mabilis na tumutugon sa pangangailangan ng mga biktima ng sunog at kalamidad.
See: http://www.veritas846.ph/diocese-gumaca-pinasalamatan-ang-radio-veritas-caritas-manila/