199 total views
Hindi dapat mapagod ang mga mamamayan sa laban sa patuloy na mga paglabag sa karapatan ng taumbayan at sa hindi pagkilala sa dignidad ng buhay ng kasalukuyang pamahalaan.
Ayon kay Caloocan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez, Chairman ng Ecumenical Bishops Forum, dapat na magpatuloy sa pananawagan at paninindigan ang mga mamamayan laban sa Extra Judicial Killings, pang-aabuso ng mga militar sa mga katutubo partikular na sa kanayunan at patuloy na banta ng Batas Militar sa buong bansa.
Paliwanag ng Obispo, hindi kailanman dapat na pahintulutan ang anumang uri ng pang-aabuso at paglapastangan ng pamahalaan sa mga karapatan ng taumbayan.
“Panawagan dito natural ay yung mga karapatan ng mga mamamayan ay dapat na kilalanin at itaguyod at ipaglaban at ito ay nakikita natin na nalalapastangan sa mga EJK itong mga patayan, itong mga karahasan ng military sa ating kanayunan at yung banta ng paglaladlad ng Martial Law sa buong bansa…” pahayag ni Caloocan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito noong ika-21 ng Setyembre ginunita ang ika-45 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Batay sa tala sa ilalim ng Martial Law, tinatayang aabot sa higit 3,000 ang sinasabing pinaslang dahil sa hindi pag-sangayon sa patakaran ng Administrasyong Marcos habang tinatayang umaabot naman sa higit 75,000 indibidwal mula sa buong bansa ang biktima ng iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Batas Militar at Rehimeng Marcos.
Samantala sa kasalukuyan ay nananatili naman ang pag-iral ng Martial Law sa rehiyon ng Mindanao na inaasahang magtatagal hanggang sa ika-31 ng Disyembre.
Gayunpaman patuloy na umaasa partikular na ang Simbahan na hindi na muling maulit pa ang mga naganap na pagsupil sa kalayaan ng bansa sa pamamagitan ng panibagong diktadurya ng kasalukuyang Administrasyon.