19,873 total views
Binigyang pagkilala ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas ang St. Nicholas of Tolentine Parish Cathedral o mas kilala bilang Cabanatuan Cathedral sa mahalagang ambag nito sa kasaysayan ng bansa.
Pinangunahan ni Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud ang unveiling ng national historical marker na matatagpuan sa Cabanatuan Cathedral kung saan ang kumbento ng Simbahan ay dating nagsilbing tanggapan ng Pangulo ng Pamahalaang Rebolusyonaryo ng Pilipinas na si Emilio Aguinaldo nang ilipat ang kabisera ng Unang Republika ng Pilipinas sa Cabanatuan noong Mayo ng taong 1899.
Sa naganap na paghahawi ng tabing sa mga panandang pangkasaysayan ng landas ng pagkabansa ng Pilipinas ay tinukoy ni National Historical Commission of the Philippines executive director Carminda Arevalo ang mahalagang papel na ginagampanan ng Cabanatuan Cathedral bilang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng unang demokrasya at republika sa buong Asya.
Ayon kay Arevalo, saksi ang Katedral ng Cabanatuan sa ladas ng pagkabansa ng Pilipinas partikular na sa pagsasakripisyo ng sariling buhay ng mga Pilipinong sundalo para sa ipinaglalabang kalayaan ng bansa kasabay ng pag-alala sa kamatayan at pagpaslang kay Heneral Antonio Luna sa plaza sa harapan ng kumbento noong ika-5 ng Hunyo, taong 1899.
“Ang mga panandang pangkasaysayan na ating pinasinayaan ay paggunita ng pinagtagpi-tagpi at hinabing kasaysayan ng Simbahan, ng bayan at ng bansa. Inaalala natin ang Simbahan sa kamatayan ni Heneral [Antonio] Luna na hanggang sa huli, handang isakripisyo ang buhay para sa bayan, ginugunita din natin ang unang republika ng Pilipinas at ang mga Pilipinong dumanak ang dugo para sa ipinaglalabang kalayaan. Nawa’y magsilbing paalala ito na hindi lamang sa bayan at Simbahan kundi sa buong bansa ang naging mahalagang papel ng Cabanatuan sa makulay na kasaysayan ng Pilipinas.” Bahagi ng pahayag ni Arevalo.
Paliwanag ni Arevalo, mahalagang alalahanin ang naging pambihirang papel ng Katedral ng Cabanatuan sa pag-unlad ng bayan at kasaysayan ng Pilipinas.
“Ang kasaysayang lokal ng Pilipinas, ang pagtatatag ng Simbahan ay kadalasang siya ring itinuturing na pagkakatatag ng bayan. Sa pag-unlad ng bayan kasabay nito ang paglago ng Simbahan at nagiging bahagi ito ng kasaysayan ng bayan at bansa kaya’t nararapat lamang na ating alalahanin ang naging papel ng Katedral ng Cabanatuan sa pag-unlad ng bayang ito at sa kasaysayan ng Pilipinas.” Dagdag pa ni Arevalo.
Naganap ang unveiling ng national historical marker sa Cabanatuan Cathedral noong ika-14 ng Hunyo, 2024 na personal din sinaksihan ng mga lokal na opisyal ng bayan ng Cabanatuan kasama ang mga ilang mga opisyal ng katedral at ng Diyosesis ng Cabanatuan.