165 total views
Inanyayahan ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity ang mga Layko na makiisa sa pagbubukas ng National Laity Week ngayong sabado ika-22 ng Septyembre.
Ayon sa Obispo, layunin ng taunang pagsasagawa ng National Laity Week na ipakita at ipadama sa mga layko ang kanilang kahalagahan sa pakikiisa sa misyon ni Hesus.
Binigyang diin ng Obispo na ang mga layko ay hindi lamang mga tagatanggap ng salita ng Diyos at mga biyaya kungdi mga misyonero na nagpapahayag ng mabuting balita sa lahat ng aspeto ng kanilang buhay maging sa bahay, paaralan, pulitika, negosyo at sa lahat ng bahagi ng lipunan.
“Ang pinaka goal n’yan ay upang ipaalam sa mga layko ang mahalagang papel nila sa simbahan. Hindi lang sila tagatanggap ng Mabuting Balita, ng grasya ng Diyos, ang lahat, ang bawat isa ay mga misyonero, missionaries, kaya sila din ay missionaries of the faith, dapat mag-evangelize” pahayag ni Bishop Pabillo
Ngayong taon, ang National Laity Week ay may temang “The Laity in Solidarity with the Clergy and Consecrated Persons towards Social Transformation.”
Dahil dito, binigyang diin rin ng Obispo ang kahalagahan ng pagkakaugnay-ugnay ng mga pari, relihiyoso at relihiyosa at mga layko.
Sinabi pa ni Bishop Pabillo na ang nalalapit din na pagdating ng relikya ni Santo Padre Pio ay paalala sa lahat ng pagtawag ng Diyos patungo sa kabanalan.
Ayon sa Obispo, iisa lamang ang Simbahang pinaglilingkuran ng bawat tao maging pari man o layko.
“Kaya nga sinasabi sa atin dito na mayroong cooperation dapat ang clergy, ang religious at ang Laity, iisa lang naman ang simbahan na pinaglilingkuran natin, iba-iba lang ang ating mga tungkulin dito, at ang pagdating ni Padre Pio ay nagpapaalalaala na lahat sa atin ay tinatawag sa kabanalan,” dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Ang pagbubukas ng National Laity Week ay ipagdiriwang sa San Pablo Cathedral at pangungunahan ni San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, D.D. ang banal na misa.
Susundan ito ng mga talakayan at pag-aaral kung saan kabilang sa magbibigay ng pag-aaral si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David.
Samantala, gaganapin naman ang pagtatapos ng National Laity Week sa ika-29 ng buwan sa Archdiocese of Cagayan de Oro.